EDITORYAL - Patuloy ang corruption, kailan may makukulong
ANG corruption sa bansang ito ay karaniwan na lamang. Hangga’t walang presidente o pinuno na matapang na babasag sa mga tiwali sa pamahalaan, hindi kailanman mawawala ang corruption sa bansa Magpapatuloy nang magpapatuloy hanggang sa tuluyang masadlak sa lalong kahirapan ang bansa at ang lalong kaawaawa ay ang mga mahihirap. Habang marami ang naghihirap patuloy ang mga kawatan sa kanilang masamang gawain. Kung ang susunod na presidente sa 2010 ay magkakaroon ng “kamay na bakal” laban sa mga corrupt, posibleng magbago ang buhay, subalit kung katulad din siya ng mga nakaraang pinuno kalimutan nang uunlad pa ang bansang ito.
Maraming akusasyon ng corruption na nangyari sa Arroyo administration. Sa kabila ng mga akusasyon, patuloy namang sinasabi ng administrasyon na gumagawa sila ng hakbang para maputol ang mga nangyayaring katiwalian sa pamahalaan. Pero madali lang magsabi ng ganyan. Madali lang mangako.
Ang panibagong akusasyon ng corruption laban sa kasalukuyang administrasyon ay ang tungkol sa mga road projects. Talamak ang nangyayaring corruption at ang sangkot dito tatlong kompanya na pag-aari ng mga Pilipino na hindi pinayagang makasali sa bidding. Ang nagbulgar ng corruption sa road projects ay mismong ang World Bank at sila na rin mismo ang naghayag na kanilang hinarang ang pagsali sa bidding ng mga kompanya — tatlo sa Pilipinas at apat na kompanya ng China. Sabi ng World Bank matibay ang ebidensiya na kanilang pinang hahawakan para i-blacklist ang pitong kompanya. Nadiskubre nila ang corruption na kinasasangkutan ng local at international firms na nakakuha ng bidding para magsagawa ng road projects sa Pilipinas sa ilalim ng Philippine National Roads Improvement and Management Program (NRIMP1). Dahil sa natuklasan, itinigil ng World Bank ang estimated $33 million na dapat sana’y ia-award.
Gaya ng dati, sinabi ng Malacañang na iimbes-tigahan nila ito at ang mapapatunayang guilty ay mapa-parusahan. Nagsisikap daw ang pamahalaan para malupig ang mga corrupt.
Nagsasawa na ang taumbayan sa ganitong sinasabi ng Malacañang. Ang gustong makita ng mamamayan ay mabilis na aksiyon para mahuli at bulu-kin sa kulungan ang mga corrupt. Kailan kaya ito mangyayari?
- Latest
- Trending