Muling umarangkada ang mga tinaguriang armadong bandido at kriminal ng Sulu noong Martes na kung saan tatlong tauhan ng International Committee of the Red Cross (ICRC) ang kanilang dinukot sa bayan mismo ng Jolo.
Binihag ng mga suspetsadong Abu Sayyaf ang Italyanong si Eugenio Vagni, Swiss na si Andreas Notter, at ang Filipina na engineer na si Jean Lacaba, lahat mga kasapi ng ICRC na ang pakay lang sana sa kanilang pagdalaw sa Jolo ay tingnan kung ano pa ang kanilang maitulong sa mga taga-Sulu.
Ang tatlo ay ang mga pinakahuli sa mahabang listahan ng mga naging biktima ng mga kidnapper na nagpakasasa sa limpak-limpak na salapi na nakukuha nila bilang ransom kapalit ng paglaya ng kanilang mga bihag, mapadayuhan man o mga kapwa Pilipino rin.
Ang akala ng mga otoridad na pag namatay o nahuli ang mga pinuno ng Abu Sayyaf gaya nina Commander Global, Commander Robot, Janjalani at iba pa ay matatapos na ang problema ng lumalagong kidnap-for-ransom industry sa Western Mindanao, hindi lang sa Sulu ngunit maging sa mga karatig isla nitong Basilan at Tawi-Tawi.
Ngunit hindi nalipol ng Sandatahang Lakas Ng Pilipinas ang puwersa ng Abu Sayyaf dahil may mga lumilitaw na mga bagong pinuno nito na mga mas bata at mas mababangis.
Nagpatuloy ang kidnapping sa Sulu kahit na andun pa rin ang mga sundalong Kano na sinasabing ‘on a humanitarian mission’ na umaabot na rin ng ilang taon ang pamamalagi sa Mindanao.
Isa lang ang ibig sabihin niyan na kahit pa pagsamasamahin ang military at ang mga American soldiers na nasa Western Mindanao ngayon, ay hindi nila kaya ang Abu Sayyaf. O di kaya’y talagang hinayaan at may pahintulot at suporta ang operasyon ng Abu Sayyaf upang maging rason na mananatili ang mga Amerikano sa Sulu.
Subalit hindi ba na sa huling kidnapping na kung saan naging biktima ang ABS-CBN news team na pinangunahan ni Ces Drilon, ay nahuli sina Mayor Alvarez Isnaji ng Indanan, Sulu at ang anak nito na si Haider, dahil nga raw sa pagkasangkot nito sa bayaran ng ransom?
Kung ang mga Isnaji ay nasa piitan ngayon, ibig sabihin niyan na mas malawak ang network ng mga kidnapper na ito pag may iba pang lilitaw upang maging negosyador kung sakaling magkaroon nga ng negosasyon upang mapalaya ang tatlong tauhan ng ICRC.
Sinabi ng mga otoridad na tukoy na nila ang mga dumukot kina Lacaba, Notter at Vagni. Eh, di dapat tukoy na rin nila ang mga koneksyon ng mga taong ito.
Kaya nga kung sino man ang lilitaw na maging negosyador para sa pagpalaya ng tatlong ICRC personnel, hindi mawawala ang pagdududa na siya mismo ay kasabwat ng mga kidnapper.
Asahan na kung anumang pag-uusap sa telepono ng negosyador ay makukuha ng satellite ng mga Amerikano na nasa Sulu. Bali-balita nga na sa ganung paraan nakuha ang mga Isnaji noong na-intercept raw ang kanilang mga phone conversations hinggil sa ransom payment para sa pagpalaya kina Ces.
Siguradong kung may magnanais na maging negosyador sa pagpalaya ng mga tauhan ng ICRC, ito ay magdadalawang isip na.
Andun na rin iyong takot na matulad sa kapalaran ng mga Isnaji na kung saan tumulong sa pagpalaya ng mga bihag ng Abu Sayyaf, eh, sila pa ngayon ang nakakulong.