SALUDO ako sa mga taong may diskarte sa buhay upang mapagaan ang kanilang paghahanapbuhay. Katulad na lamang sa pag-asembol ng ilan nating mga kababayan sa kanilang mga pedicab. Nilagyan nila ng motor ang pedicab at tinawag na kuliglig.
Bagamat mainit ang tingin ng ilan nating motorista sa kanila sa mga lansangan dahil nakakasagabal umano sila sa daloy ng trapiko, angat noo ko naman silang hinahangaan sa kanilang kasipagan. Kasi nga mga suki, sa pawis nila mismo nanggagaling ang kanilang ipinakakain sa kanilang mga pamilya.
Ulan at init ang kanilang puhunan sa mga lansangan araw man o gabi sa pamamasada sa mga kalsada ng Tondo. Dito ko nakita ang kanilang kakaibang kakayahan upang kumita ng salapi na maitutustos sa pangangailangan ng kanilang pamilya.
Bagamat ang ilan nating mga motorista ay umaangal sa bagal nilang pagpapatakbo sa mga lansangan ay labis naman ang kanilang pagtitiyaga para kumita ng pera sa marangal na pamamaraan. He-he-he! Get n’yo mga suki!
Sa pagsapit ng tag-ulan at tag-baha ay sila ang maasahang transportasyon, dahil may kakayahan silang pumasada sa mga lansangan na lubog sa tubig-baha kaya malaking tulong sila para mahatid-sundo ang commuters.
At dahil nga sa labis ang aking paghanga sa kanilang kakayahan ay pinaunlakan ko ang kanilang kahilingan na maging adviser ng kanilang samahan na kung tawagin ay Kuliglig ng Tondo Brotherhood Association Inc.
Ang naturang association ay binuo ng isang kagawad ng pulisya, ito’y walang iba kundi si Anacleto De Jesus ng Manila Police District-Special Weapons and Tactics (MPD-SWAT) na ang tanging layunin ay buuin ang samahan ng mga driver ng kuliglig upang maisaayos at madisplina sa lansangan.
Lalo pang naging matatag ang samahan sa suporta ng tatlong vice president na sina Nolie Aguilar, Alfredo Rioferio at Elezar De Lima, mga di-padyak driver. Makasisiguro tayo na sa darating na mga araw ay magiging maayos na sa mga kalye ang paggulong ng kuliglig ng Tondo.
Naihalal din sa samahan sina Rowie Gabieta, Secretary-General; Mariano Limen, Treasurer; Buddy Borac, auditor. Mga director na sina Lito Balmorie, Rolly Alcovin, Joselito Galope, Eduardo Ma tados at Felicisimo Dimayacyac. Ang Public Relation Of-ficer ay si Diodie Mariano.
Inanyayahan akong maging tagapagsalita at maging adviser ng samahan sa simpleng inauguration ng samahan na ginanap sa Tondo Sport Complex. Labis ang aking kasiyahan dahil sa kanilang mainit na pagsalubong at pagtanggap na maging kasapi ng kanilang samahan, he-he-he!
Dito ko rin napag-alaman na ang karamihan pala sa mga kuliglig ay ginagamit na panghakot ng mga paninda sa Divisoria dahil sa makikipot ang mga daan. Dati umano mabagal ang kanilang pasada dahil de-pidal pa ang kanilang gamit subalit sa ngayon na may motor na ito ay napapabilis na rin ng kaunti ang kanilang pamamasada, he-he-he! Kung may diskarte lang sa buhay ang bawat isa sa atin, tiyak ko na malalampasan natin ang kahirapan. Kaya kayo na tatamad-tamad riyan, matuto na kayong magbanat ng buto para mabuhay nang marangal.