Charice, magpe-perform sa inauguration ni Obama
PINILI raw ng TV host na si Oprah Winfrey ang Pilipino super-talented singer na si Charice Pempengco para mag-perform sa pre-inaugural ball ni President-elect Barack Obama sa susunod na linggo. Bukod kay Charice marami pang magagaling at sikat na performers ang magpapakita ng gilas sa inauguration ni Obama sa Washington D.C. Si Charice ay naimbitahan na ni Oprah sa TV program nito noong nakaraang taon. Si Oprah ay isa sa supporters ni Obama.
Tiyak na maraming sikat na personalities —mula showbiz, business at politics ang dadalo sa pre-inaugural ball. Siyempre, makikipagsaya sa okasyon si Obama, ang kanyang First Lady, Vice President at maybahay nito.
Kung totoong naimbitahan si Charice, malaking karangalan ito sa mga Pilipino. Siya sa pagkakaalam ko ang tanging Pinoy singer na magpe-perform sa inagurasyon ng US President. Sino ba ang mag-aakala na ang isang baguhan at batam-batang Pinay ay makakahalubilo ng mga kilalang tao sa buong mundo.
Hindi lamang ito ang kauna-unahang pagkakataon kay Charice na mapasama sa isang grupo ng mga katangi-tanging showbiz at entertainment celebrities. Nakasama na niya sa stage ang mga malalaking pangalan sa showbiz at entertainment. Naka-duet na niya ang internationally-known operatic tenor na si Andrea Bocelli. May mga recordings din siya na kasama si Bocelli na produced ni David Foster, ang musical genius. Lumabas na rin si Charice sa paboritong TV show ni Ellen Degeneres.
Palagay ko, iwawagayway ni Charice ang bandila ng Pilipinas sa inauguration ni Obama. Siya ang inaasahan kong magbubukas ng pinto para lubusang makilala ang mga Pinoy na mahusay sa larangan ng musika.
- Latest
- Trending