BF Homes para sa iskwater?
KAPAG sinabing “BF”, nasok agad sa isip natin ay Banco Filipino o kaya’y si MMDA Chair Bayani Fernando na nagkaroon ng pangit na reputasyong “berdugo” ng mga illegal vendors at illegal squatters.
Ito ay ang pagpapatayo ng mga low-cost housing para sa mga mahihirap. Sabi mismo ni BF, mas disente pa raw at mura sa itinatayo ng Gawad Kalinga ang mga housing units na ito. Maganda iyan para mapawi ang impresyong giba lang ng giba ng tahanan si BF pero wala naman siyang paglilipatan sa mga mawawalan ng bahay.
Sa pulong ng Asian Network of Major Cities (ANMC) sa Malaysia na dinaluhan ng 11 bansa sa Asya, napagkasunduan ang pagtatayo ng mga low-cost housing sa mga key cities sa Asia kasama na ang Metro Manila, New Delhi, Bankok, Jakarta, Tokyo, Seoul at iba pa. Sa Pilipinas, maitatayo ang murang pabahay sa halagang P50,000 lamang! Mas mura ito kumpara sa P70,000 na itinatayo ng Gawad Kalinga. Sige Mr. BF, call ako diyan at nang makatikim naman ng ginhawa ang mga kababayan nating squatters.
Sa kabilang dako, may panukala si Commission on Human Rights Chair Lilia de Lima na bigyan ng higit pang proteksyon ang mga squatters. Patutsada ito laban sa demolisyon na ginagawa ng MMDA. Alam nating lahat na ang MMDA ang nakatoka sa paglilinis ng Kamaynilaan sa mga naglipanang iskuwater. Ayon sa Housing and Urban Development Coordinating Council (HUDCC), higit na sa isang milyong pamilya ang nag-iiskuwat sa Metro Manila lamang. Mahigit iyan sa 50 porsyento ng kabuuang bilang ng mga informal settlers sa buong bansa.
Sabi ni BF lahat ng kanilang demolition operation ay pawang alinsunod sa batas taliwas sa paratang ni de Lima. Kasama na riyan ang paki kipagkonsultasyon mismo sa mga squatters o informal settlers na madalas, umaabot ng taon bago magkaroon ng kasunduan.
Marami talagang istruktura ng mga squatters ang dapat gibain dahil hindi lamang perhuwisyo kundi panganib sa buhay ng tao. Tulad na lamang ng mga bahay na nasa gitna ng kalsada o nakatayo sa daluyan ng tubig o estero. At ayon sa batas, ang mga ganyang tirahan ay puwedeng gibain agad. Kaya hangad natin ang tagumpay ng low-cost housing project ni BF para sa mga squatters.
- Latest
- Trending