DEADLY weapons. Golf irons, golf ball missiles, payong na eskrima, baril, ice pick, baseball bat. Broken rules. Attorney vs. Attorney. Blog vs. Blog. Isang private incident na naganap sa loob ng esklusibong VALLEY Golf and Country Club (VALLEY), naging public interest drama. At dahil kasangkot ang isang Cabinet member, garantisadong box-office.
Ang VALLEY mismo ang arbiter kung may away sa pagitan ng mga miyembro at kanilang panauhin sa “gentleman’s game” of golf. Kapag may kabigatan ang insidente, lalo pag may sakitan, hindi maiaalis sa player na maghanap ng hustisya sa pagsampa ng kaso sa prosecutor’s office. Karaniwa’y itong dalawa lang ang option. Subalit sa kaso ng De la Paz vs. Pangandaman, nagkaroon ng pangat-long arena ng pagtutunggali -– ito’y ang arena ng public opinion.
Dahil tago ang VALLEY sa publiko, hindi malaman kung sino ang nagsasabi ng totoo. Pero sa mata ng publiko, sentensiyado na ang mga Pangandaman. Madali silang sisihin dahil may bitbit na bodyguard laban sa isang ama at dalawang tinedyer. Hindi dapat pinabayaang makialam ang bodyguard (lalo na kung ito’y suwelduhan din ng gobyerno). At dahil mataas na opisyal — dapat daw ay nanguna si Sec. sa pag-awat ng gulo. Subalit, kung guilty man ang mga Pangandaman sa pagtapos ng away, guilty din ba sila sa pag-umpisa ng away? Buti na lang at sinagot na ito ng unanimous report ng VALLEY.
Sa imbestigasyon, binalangkas ang buong katotohanan sa testigo ng mga caddy, security guard, course marshall, mga nagtitinda ng pagkain at ng iba pang mga Golfer. Ayon sa mga testimonya, si Mr. De la Paz nga ang nagpasimuno ng lahat. Biktima nga sila. Subalit hindi sila inosente. Biktima rin sila ng sariling init ng ulo.
Marami sa nag-alipusta sa mga Pangandaman ay nadala sa mga eksena, retrato at pahayag sa media at sa mga blog. Agrabyado talaga ang pribadong mamamayan kapag mataas na opisyal ang katapat. Pero sapat na ba itong dahilan na humatol nang hindi nalalaman ang buong katotohanan? Ang aral sa kabanatang ito ay huwag sanang susugod agad sa paghusga o “rush to judgment”. Kapag ganito ang nangyayari, kadalasa’y ang katarungan mismo ang unang nasasagasaan.
DE LA PAZ GRADE: Guilty (sa umpisa)
PANGANDAMAN GRADE: Guilty (sa huli)