Hindi maaaring manghula ang mga husgado
ANG DWD ay korporasyong pag-aari at kontrolado ng gobyerno. Itinatag ito ng Sangguniang Bayan at esklusibong may hawak ng prankisa para sa operasyon ng tubig at pamamahagi nito sa lokal, komersyal at industriyal na gamit sa loob ng distrito.
Nasa loob ng distrito ng DWD ang MFC. Isa itong kompanyang ang negosyo ay tungkol sa hayupan at agrikultura. Binigyan ang MFC ng water permit ng dating NWRB (National Water Resources Board) upang makapagtayo ng dalawang balon na kukuhanan nila ng tubig para lamang sa negosyo ng kompanya at hindi ibebenta sa ibang tao.
Nadiskubre ng DWD na naapektuhan ng operasyon ng dalawang balon ng MFC ang pinansyal na estado ng kompanya. Inimbitahan nito ang mga kinatawan ng MFC upang mapag-usapan ang nangyayari. Nag-inspeksyon din ang mga inspektor ng DWD at gumawa ng ulat tungkol sa konsumong tubig ng nasabing mga balon. Base sa mga ulat, inaprubahan ng DWD ang isang resolusyon kung saan pinagbabayad ang MFC ng P55,112.46 kada buwan sa tubig na katumbas ng P2 kada metro kubiko.
Hindi nagbayad ang MFC. Nagbingi-bingihan ito sa DWD. Ito ang dahilan kung bakit napilitan na tuloy ang DWD na magsampa ng kaso sa korte noong Marso 30, 2004 upang mabayaran ito ng tinatawag na “production assessment”. Nagkaso ang DWD dahil ayon daw sa Sec. 39 ng PD 198 na nagbigay sa kanila ng prankisa, maaaring gumawa ng resolusyon upang maningil ng assessment sa mga kompanya ng tubig sa loob ng distrito nito lalo at naaapektuhan ng nasabing mga kompanya ang pinansiyal na estado ng DWD.
Nagmosyon ang MFC upang maisantabi ang kaso. Ayon sa kompanya, wala raw kapangyarihan sa kanila ang korte dahil NWRB ang may kapangyarihang sa kanila ayon sa PD 1067. Hindi pinansin ng korte ang mosyon ng MFC at bagkus ay sinabing may kapangyarihan ito sa kaso dahil ang usapin naman ay tungkol sa karapatan ng DWD sa “production assessment”.
Nagpetisyon ang MFC sa CA. Kinuwestiyon nito ang naging desisyon ng korte. Bukod dito, kinuwestiyon din ng MFC ang kapangyarihan ng DWD na maningil ng production assessment. Hindi raw makatarungan ang nasabing Sec. 3, PD 198 dahil parang pinakialaman na ng nasabing batas ang kapangyarihan ng Kongreso.
Nagdesisyon ang CA hindi lang tungkol sa kapangyarihan ng korte sa kaso kundi pati na rin sa pagiging makatwiran ng Sec. 39, PD 198. Tama ba ang CA?
MALI. Ang lahat ng batas ay inaari nating tama at legal maliban na mapawalang-bisa ito sa isang kasong diretsong umaatake sa legalidad ng nasabing batas.
Isa pa, ang isang batas ay itinuturing natin na legal at tama maliban at ipawalang-bisa ito ng tamang korte. Sa kasong ito, hindi naman naungkat ang legalidad ng batas sa mababang hukuman. Ang isyung ito ay hindi rin napag-usapan sa kaso kaya hindi maaaring pangunahan ng CA ang Korte Suprema sa pagdedesisyon kung legal ang batas o hindi. Hindi maaaring manghula ang mga husgado kung kailan kailangan iresolba ang konstitusyunalidad ng isang batas. (Dasmarinas Water District vs. Monterrey Foods Corp. G. R. 175550, September 17, 2008).
- Latest
- Trending