MABIGAT ang paratang ng Department of Justice prosecutors sa mga ahente ng Philippine Drug Enforcement Agency. Kesyo wala raw arrest warrant nang hulihin ng PDEA ang tatlong “Alabang boys” drug suspects nu’ng Sept. 2007. Ni wala raw maipakitang kumpiskadong droga o boodle money bilang ebidensiya. Kaya dapat daw pakawalan na ang trio.
Kung matapat ang prosecutors sa batas, dapat kasuhan nila ang PDEA agents nang paglabag sa Dangerous Drugs Act. Habambuhay na kulong, multang hanggang P10 milyon, at pagtanggal sa puwesto ang mahigpit na parusa sa pagtatanim ng peke o pagwawala ng ebidensiya. Pero bakit hanggang ngayon hindi maghabla ang mga piskal-patola?
Kontra-paratang ng PDEA na sinuhulan nang P50 milyon ang DOJ para pahinain ang kaso laban sa maimpluwensiyang “Alabang boys”. Ni hindi raw pinansin ang ebidensiya nila, kabilang ang blood test na positive sa shabu ang tatlo. Kumbaga, winalang-hiya ang case buildup nila.
Kung matapat din ang PDEA sa batas, dapat kasuhan nila ang mga nanuhol at sinuholan. Sa ilalim ng parehong Dangerous Drugs Act, maari pabulukin sa bilibid ang kawatang prosecutors. Pero bakit walang kaso?
‘Yan ang hirap sa ating law enforcers. Puro sila pabida sa sarili at bintang sa ibang ahensiya, pero hindi ginagawa ang basic duty. Tiyak sa huli kakalimutan na lang ng DOJ at PDEA ang kaso ng “Alabang boys”.
Wala ring maaasahan ang publiko sa imbestigasyon ni NBI agent Arnel Dalumpines sa P50-milyong suhulan at sa pakanang papirmahin si Justice Sec. Raul Gonzalez sa release order ng “Alabang boys”. Bakit kamo? E susunod lang naman si Dalumpines sa utos sa itaas, tulad nang ginawa niya sa DOTC-ZTE deal. Kunwari noon inimbestiga niya ang pagnakaw sa kontrata sa China, pero imbento lang lahat ‘yun ng Malacañang cleaners.
Nagkukunwari pa si NBI chief Nestor Mantaring na aalamin kuno kung sino ang Mike Muslim at Atty. Tan na nag singit ng papeles sa mesa ni Gonzalez. Bantad sa NBI ang pangalan ng dalawa bilang fixers sa DOJ; sinubukan pa nila na ipa-release ang mga suspects sa Pasig shabu tiangge.