HINDI maganda ang nangyari sa prusisyon ng Black Nazarene noong Biyernes, kung saan nilabag ng mga deboto ang nakatakdang plano ng ruta, upang sundin ang kanilang gusto na idaan ang Poon sa nalalaman nilang dating ruta. Hindi rin maganda ang nangyari na nayupi at nasira ang media van ng Radio Veritas dahil sa kagagawan ng mga deboto.
Tatak ng isang tunay na kristiyano ang maging ma galang at masunurin sa awtoridad. Kung ganito nga dapat, bakit nangyari pa ang masasamang nangyari? Sa aking pananaw, parang naging mob rule ang ginawa ng mga nasabing deboto, at hindi na dapat maulit ito.
Hindi nagkulang sa paghanda ang mga organizers ng prosesyon, kasama na riyan ang ating mahal na Gaudencio Cardinal Rosales at ang masipag na Mayor Fred Lim na nagsilbing Hermano Mayor. Kaya lang, sa nangyari, parang nangibabaw ang mob rule at hindi ang rule of law.
Ganito na ba talaga ang kalakaran sa ating bayan, kung saan wala nang rule of law? Hindi kaya nangyari ito dahil sa pakiramdam ng mga tao, hindi na dapat iginagalang ang batas at wala na silang kinakatakutan?
Kahit malayo man ang koneksyon, maari pa ring sabihin na kung sana matino at makatarungan ang liderato ng ating bayan, madali na rin para sa mga tao na sumunod. Sa nangyayari sa ating lipunan ngayon, naki-kita ng mga tao na binabastos ng gobyerno mismo ang sariling batas, kaya parang sila ay wala ring inspirasyon na sumunod sa batas.
Ang usapang ito ay hindi malayo sa usapan tungkol sa pagnanakaw. Kung nakikita ng mga tao na ang mga taong gobyerno mismo ang nangunguna sa pagnakaw ng malaking pera, ano kaya ang pagkakamali kung sila rin ay magnakaw ng maliit na pera?
Upang maibalik ang respeto ng tao sa batas, dapat nating alisin ang mga lider na nagnanakaw ng pera ng bayan.