AYON sa mga opisyales ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP), may tinatayang P25 million na halaga ng ginto ang binibili nito galing sa gold-rush site sa Mt. Diwalwal, Monkayo, Compostela Valley.
Ang P25-million ay ang pinakamababang average na transaksyon ng BSP gold buying station dito sa Davao City sa mga regular na araw ngunit ito ay umaabot sa P180 million kapag “peak” days na mas maraming ginto ang namimina sa Mt. Diwalwal.
Ngunit, maliban pa sa P25 million to P180 million na daily transactions ng Bangko Sentral buying station, may mga bentahan din daw araw-araw sa black market o mga smugglers na umaakyat mismo sa Mt. Diwalwal at doon na binibili ang mga ginto ng mga nagnanais na makabenta agad.
May mga balita nga na mas doble kung hindi triple pa ang volume ng ginto na nabibili ng mga smugglers kaysa kung anong nakukuha ng Bangko Sentral na ginto sa Mt. Diwalwal.
At ang bilihan ng mga smugglers ay sinasabing mas mataas pa ang presyo kaysa kung ano ang buying price ng Bangko Sentral.
Kaya nga may pagpilian ang mga minero kung gusto nilang sa Bangko Sentral makipagtransaksyon, kailangan nilang bumaba pa sa Davao City kung nasaan ang gold buying station nito. Ibig sabihin niyan ay gagastos pa sila sa transportasyon ay kailangan din nilang paigtingin ang seguridad nila dahil nga malaking halaga ang binebenta nilang ginto.
At kung sa mga smugglers naman nila ibebenta ang kanilang ginto, wala na silang alalahaning transportation cost at maging ang aspeto ng seguridad ay hindi na nila poproblemahin.
Ang ginto na nabibili ng black market sa Mt. Diwalwal ay ini-smuggle papalabas sa ibang bansa habang ang nabibili ng Bangko Sentral ay dagdag sa gold reserves ng ating bansa. Ang ginto ay isa sa mga commodities na may pinakamataas na trading value.
Totoong nakalulula ang mga halaga ng gintong nabibili sa Mt. Diwalwal, ngunit nakapagtataka bakit nanatiling mahirap ang may 40,000 na small-scale miners na nabubuhay sa pagiging abantero sa pagiging manggagawa sa minahan.
Karamihan sa mga small-scale miners na andun sa Mt. Diwalwal ngayon ay mga anak na rin ng mga naunang mga minero noon mga early 1980s kung kailan nagsimula ang mining operations sa nasabing bundok.
Ilang beses ko na ring inakyat ang Mt. Diwalwal at ang huli nga ay noong 2007 nang kailangan kong i-cover ang shooting ng “I Come With The Rain” na pelikula ng Hollywood actor na si Josh Harnett at ang French-Vietnamese director na si Anh Hung Tran, na ginanap mismo sa isang tunnel sa Mt. Diwalwal.
Nasaksihan ko ang kahirapan ng mga residente ng Mt. Diwalwal at kung anong klaseng pamumuhay ang kanilang dinadanas at parati pang may nakaambang panganib dala ng landslides lalo na pag malakas at walang hinto ang ulan.
Talaga namang ang kayamanan ng Mt. Diwalwal ay napupunta lang sa may ilan-ilang kamay lang.
Nakakalungkot isipin na sa gitna ng kayamanan ng ginto ng Mt. Diwalwal hinding-hindi maitago ang mas nakakasilaw na kahirapan ng libu-libo nitong mga minero.