Dasal ko ngayong Bagong Taon
BAGONG taon na naman at panibagong pakikipag- buno na naman sa buhay. Ang Bagong Taon ay hindi katapusan ng nakaraang taon o simula ng isa na namang taon kundi pagpapatuloy ng ating buhay.
Ito ang natutuhan ko sa ating mga kababayan dito sa Amerika. Ginusto nilang magpunta dito upang makipagsapalaran at nang magkaroon ng pagkakataon na makakuha ng maganda-gandang hanapbuhay at mahusay na kinikita. Inaakala nilang wala silang pag-asa kung sa Pilipinas sila maglalagi. Alam nilang bagsak ang ekonomiya ng Pilipinas kaya mahirap makakita ng magandang trabaho.
Masuwerte na sana sila sapagkat sa dinami-dami ng nagnanais na makapunta rito sa Amerika, nakatuntong sila at nagsimula nang maghanap ng trabaho subalit dumating na nga ang taghirap. Unti-unting bumagsak ang ekonomiya ng America. Maraming negosyo ang nalugi at hindi na makatayo. Ang iba namang negosyo ay nagpipilit, kaya lang ay kailangang magbawas ng mga tauhan at mga gastusin.
Hindi na ito maitatago. Talagang taghirap na ngayon sa Amerika. Madalas ko itong ibalita sa kolum na ito. Halu-halo ang natatanggap kong balita tungkol sa paroroonan ng krisis na ito. May mga nagsasabi na tuloy pa rin daw ang paghihirap ng ekonomiya sa US. Mayroon namang nagbabalita na sandali na lamang daw at babalik na muli ang sigla ng mga negosyo sa Amerika.
Malaki naman ang aking paniwala na maaayos ang krisis sa ekonomiya ng bagong presidente ng America na si Barack Obama.
Sa kabilang dako, napapansin kong dedma naman ang mga Pinoy sa sinasa-bing bagsak na ekonomiya ng Pilipinas. Tuloy pa rin kasi ang ligaya sa Pilipinas. Pulitikahan pa rin at hindi pa rin nahihinto ang korapsiyon mula itaas hanggang ibaba sa gobyerno.
Dapat nang maputol ang korapsiyon para sa kapakanan ng nakararaming Pinoy. Kapag nadurog na ang korupsiyon, tiyak kong bubuti na ang kalagayan ng Pilipinas.
Yan ang dinadasal ko ngayong Bagong Taon ng 2009 — ang maputol na sana ang korupsiyon.
- Latest
- Trending