Mga minaltratong OFW sa Abu Dhabi
KAILANGANG kumilos ang mga awtoridad para tulungan ang mga minaltratong Pinay household service workers (HSWs) sa Abu Dhabi, United Arab Emirates (UAE).
Ito ang mariing panawagan ng aking panganay na anak na si Senate President Pro Tempore Jinggoy Ejercito Estrada, chairman ng Senate Committee on Labor, Employment and Human Resources Development, at ng Joint Congressional Oversight Committee on Labor and Employment.
Base sa ulat ni Philippine Labor Attaché Nasser Munder, ngayong 2008, umabot sa 224 HSWs sa Abu Dhabi ang napilitang tumakas sa kanilang mga amo dahil minaltrato sila ng mga ito.
Karamihan aniya sa kaawa-awang HSWs ay pinahirapan sa trabaho, hindi pinasuweldo nang sapat, at ang iba ay sinaktan at inabuso pa ng kanilang mga dayuhang amo.
Dagdag ni Munder, ang mga nabiktimang HSW ay kasalukuyang “stranded” sa Philippine Overseas Labor Office (POLO) sa Abu Dhabi at hindi makauwi sa Pilipinas dahil ayaw ibigay ng kanilang mga employer ang kanilang mga dokumento laluna ang mga passport nila, at wala ring pambili ng airplane tickets pauwi. Sinabi ng POLO na ang plane tickets ng HSWs para sa pag-uwi nila sa Pilipinas ay dapat i-provide ng kanilang mga employer.
Nananawagan si Jinggoy sa Philippine authorities sa Abu Dhabi na agad imbestigahan ang naturang bagay, sampahan ng kaukulang kaso ang mga nang-api sa ating mga kababayan, at pauwiin sa ating bansa ang mga kawawang HSW.
Si Jinggoy ay sadyang naaalarma tuwing may ganitong mga balita ng pagmamaltrato sa mga manggagawa.
Ang mga ganitong sitwasyon ang ilan sa malalaking rason sa pagpupursige ni Jinggoy na magkaroon ng “bilateral labor agreement” ang Pilipinas sa mga bansang pinupuntahan ng mga OFW. Ang ganitong agreement ang magsisilbing legal at opisyal na garantiya para sa proteksyon ng ating mga OFW, at para rin sa sistematikong pag-asiste sa kanila kung sila ay nagkakaproblema sa kanilang trabaho sa ibayong dagat.
- Latest
- Trending