EditoryalÂ-Si Jose Rizal at ang mga kabataang pag-asa ng bayan
SINO ang hindi magpupugay sa ginawang pag-aalay ni Dr. Jose Rizal ng kanyang buhay para mapalaya ang Inambayan? Ang pag-aalay ng kanyang buhay ang naging mitsa para magkaroon ng rebolusyon noong 1898. Sumiklab ang pagkamakabayan ng mga Pilipino makaraang barilin sa Bagumbayan (ngayo’y Luneta) si Rizal. Ngayong araw na ito, ginugunita ng mga Pilipino ang pagiging martir ni Rizal. Taun-taon, hindi nalilimutan ang petsa ng kanyang kamatayan. Mas mahalaga ang petsa ng kanyang kamatayan kaysa kapanganakan.
Maraming pangarap si Rizal para sa Pilipinas. Hindi lamang ang hangaring makalaya sa pananakop ng mga mapang-aping Kastila kundi pati na rin ang pagkakaroon ng edukasyon ng mga kawawang Pilipino na madalas laitin ng mga Kastila. Hindi malilimot ni Rizal ang salitang “Indio” na karaniwang tawag ng mga Kastila sa Pilipino. Gusto ni Rizal na mahango sa kahirapan ng buhay ang mga Pilipino at mangyayari lamang iyon kung makapag-aaral ang mga ito. Ang edukasyon ang susi para mahango sa kahirapan ang mga Pilipino. Iyon ang tanging paraan at wala nang iba pa.
Pero nakalulungkot makita na ang pangarap ni Rizal na mahango sa kahirapan ang mga Pilipino ay nananatiling pangarap hanggang ngayon. Wala na rin halos nakikita sa kanyang mga sinabing “ang kabataan ang pag-asa ng bayan sa hinaharap”. Nasaan na ang mga kabataang ito?
Ang mga kabataang pag-asa ng bayan ay wala nang makitang pag-asa sa kasalukuyan. Maraming kabataan ang lulong sa droga, hindi na makapag-aral dahil sa pagkasugapa sa shabu, marijuana at iba pang gamot. Marami sa kanila ang isinusuka na ng lipunan sapagkat pawang kasamaan ang ginagawa. Marami ang nasasangkot sa pagpatay, pagnanakaw, panggagahasa at iba pang masamang gawain. Naging kalbaryo na ng kanilang mga magulang ang mga kabataang ito. Wala nang pag-asa pang magbago.
Kawawang Rizal na umasa noon na ang mga kabataan ang pag-asa ng bansang ito. Sana ay may magawa pa ang pamahalaan at ang mga magulang para maisalba ang mga kabataan. Simulan sana sa 2009.
- Latest
- Trending