Kinakalakal ang buhay ng tao
MAGANDA ang patakaran ng Iglesia ni Cristo kung saan pinag-babawal ng kanilang pamunuan ang ano mang gawain na maaring lumabas na kinakalakal na nila ang kanilang simbahan. Maganda ang patakaran na ito, dahil ang simbahan ay sagrado, at hindi nga naman dapat pinaghahalo ang sagrado at ang komersyo.
Naaalala ko pa na noong araw kung saan ang mga nakaraang administrasyon ay sadyang umiwas sa direktang pag-promote sa pag-alis ng mga Pilipino bilang mga overseas contract worker, dahil ayaw nilang lumabas na kinakalakal nila ang buhay ng tao, kaya hinahayaan na lamang nila na ang mag-promote ay ang mga pribadong recruitment agencies.
Kailan lang, pinagsabihan ng mga international organizations ang gobyerno ni Mrs. Gloria Macapagal Arroyo na hindi sila dapat gumawa ng revenue projections na base sa pag-deploy ng mga OFW, dahil nga hindi magandang isipin na ang gobyerno ay umaasa na lamang sa pagkalakal ng buhay ng tao.
Ano kaya ang pumasok sa utak ni Mrs. Macapagal Arroyo at naisipan niyang maglabas ng Administrative Order No. 247? Sa kanyang order, inutusan niyang mag-full blast ang POEA sa paghahanap ng mga bagong palengke para sa mga OFW, kaya ang trabaho ng POEA ngayon ay promotion na at hindi na regulation.
Sa aking pananaw, malaking trabaho pa ang dapat gawin ng POEA para sa regulation ng mga recruitment agencies, at kasama na riyan dapat ang protection ng mga OFW. Ang ibig bang sabihin ng AO 247 ay balewala na ang regulation at protection basta may promotion?
Kung may delikadesa pa ang gobyerno, puwede namang magkaroon pa ng promotion kung tutulungan na lang nila ang mga recruitment agencies, sa halip na agawan pa nila ito ng trabaho. Sa tingin ko, upang umunlad ang negosyo sa Pilipinas, hindi dapat pumasok ang gobyerno sa negosyo ng pribado. Hiwalay dapat ang dalawa, katulad ng paghiwalay ng simbahan sa kalakalan.
- Latest
- Trending