'Si Titots'

ANG PASKO AY PARA SA BATA, Kahit ano ang kalagayan natin sa buhay madalas natin madinig na basta’t buo ang pamilya at kumpleto tayo sa “noche Buena” masaya na ang ating Pasko.

Kahapon nang tayo’y maligayang nagdiriwang ng kapa­skuhan, isang mag-asawa ang may dalang mabigat na suliranin. Nawawala ang kanilang tatlong taong gulang na anghel, si “Titots”.

December 19, 2008 ng pumunta sa aming tanggapan ang mag-asawang Mary Grace Borbe at Nomer Borbe ng Tala, Caloocan City. Parehong 27 taong gulang.

Idinulog nila ang pagkawala ng nag-iisa nilang anak si Carlito “Titots” M. Borbe tatlong taong gulang.

“Tulungan niyo po kaming mahanap si Titots. Nag-aalala kami dahil baka may masamang mangyari sa kanya. Hindi maalis sa amin na mag-isip ng masamang bagay na pwedeng sapitin niya,” ayon kay Grace.

December 7, 2008 ng imbitahan ng isang kapitbahay na si Erlinda Sabay ang biyanan ni Grace na si Aurora Borbe para sa isang birthday party. Ayon kay Grace ay nagtaka sila kung bakit nang-imbita si Erlina dahil 11 taon ng hindi nagpapansinan ang pamilya nila Aurora at Erlinda.

Magkaibigan dati ang pamilya nila Aurora at Erlinda pero isang insidente ang nangyari upang maputol ang maganda nilang samahan.

Dati nagsiga ang tatay ni Nomer malapit sa bahay nila Erlinda. Bigla nalang itong nagalit at nagkaroon sila ng pag-aaway at komprontasyon.

Mula nun ay hindi na sila nagkibuan ngunit isang linggo bago magbirthday si Alberto Sabay ay nakipagbati sila kanila Aurora.

“Pinayuhan namin si Nanay na ok lang na makipagbati kay Erlinda pero huwag nalang siyang masyadong maging malapit rito at huwag magtiwala dahil sa mga usap-usapan tungkol sa kanila,” ayon kay Nomer.

Pumunta pa rin sila Aurora at sumunod naman si Totits at ang pinsan nitong tatlong taong gulang din.

Dahil sa nagkakasayahan at maraming bata sa paligid hindi na napansin ni Aurora na wala na pala sa paligid ang kanyang apo.

Bandang ala singko ng hapon ng dumating si Nomer sa kanilang bahay. Nakita niyang nasa bahay na ang pinsan ni Titots na kasama niya maglaro sa party.

Pumunta siya sa party upang sunduin ang anak ngunit hindi niya na ito makita at nawawala na pala.

Agad nilang ipinablotter ang nangyari. Una silang pumunta sa Brgy 185 at 186 sa Barracks. Umikot din sila sa mga lugar malapit sa kanilang tinitirahan at inabot na sila ng alas dose ng gabi ngunit wala pa ring nangyari.

“Isang kapitbahay namin ang nakapagsabi na may pumulot raw dito na isang matandang babae na mahaba at puti na ang buhok, singkit ang mata, malaki ang ilong, maitim ang mukha, may nunal sa pisngi at mataba. Nakasuot siya ng pulang t-shirt, itim na palda at may bitbit siyang plastic bag na may mga lamang damit,” kweto ni Grace.

Nung mga sumunod na araw ay naghanap pa rin sila sa mga kalapit na barangay at nagsadya pa sa QTV channel 11 upang manawagan pero mapasahanggang ngayon ay wala pa rin silang natatanggap na impormasyon.

Ayon sa mag-asawa na madalas may nawawalang bata sa lugar nila pero agad din naman itong naibabalik ngunit dati isang tatlong taong batang babae na ang nawala na ngayon dapat ay 14 taong gulang na pero hindi pa rin nakikita.

“Hindi ko na alam ang gagawin ko. Lahat na ng paraan na alam namin para mahanap ang anak namin ay ginawa na namin pero wala pa ring magandang nangyayari. Hindi na kami makakain at makatulog ng maayos dahil inaalala namin ang kalagayan ni Titots,” umiiyak na panawagan ni Grace.

Ayon kay Grace na may mga taong ginagawang biro ang pagkawala ng kanilang anak at sinasabing hayaan nalang raw si nila Titots at gumawa nalang raw ang mag-asawa ng bagong anak.

“Hindi nalang namin iniintindi ang mga masasakit na sinasabi ng ibang tao at ang pinag-uukulan lang namin ng panahon ay paghanap sa anak namin. Hindi namin alam ung paano kami magpapasko ng wala si Titots. Sana ibalik na siya ng kumuha o ng nakapulot sa kanya. Hindi siya sanay sa hirap at isa pa natatakot kaming makalimutan niya kami kung sakaling matagal siyang mawalay sa amin,”pahayag ni Nomer.

Inilapit namin ang kanilang problema kay NBI Deputy Director Edmund Arugay upang maasistehan at maiguhit ang mukha ng babaeng nakita ng kanilang kapitbahay na dumampot kay Titots ng makagawa ng “artist’s sketch” para naman matulungan nating makita ang ginang na ito na maaring miembro ng isang sindikato.

Mga mambabasa ng “Calvento Files” ito ang ilan sa mga description ni Carlito “Titots” M. Borbe, tatlong taong gulang. Kalbo, may nunal sa kanang hinlalaki, may butas sa kanang gitnang ngipin at may nunal sa kanang paa.

Para sa mga taong may impor­masyon sa kinalalagyan ni Titots o kaya nakikilala ng babaeng na­banggit agad lang na makipag-ugnayan sa aming tanggapan sa 5th floor City State Center Bldg., Shaw Blvd., Pasig City o kaya magtext o tumawag sa 09213263166 o sa 09198972854 at 6387285. (KINA­LAP NI JONA FONG)

Show comments