Sorry Cory

ISANG aktong naglalarawan ng tunay na diwa ng Pasko. Iyan ang handog ni President Cory Aquino sa bansa sa paghingi ng SORRY para sa EDSA II. Pagpatawad at pag­hingi rin ng kapatawaran. Pag-alay ng kamay ng pagkakaibigan.

Hindi madali para sa isang katulad ni Cory ang umamin ng pagkakamali sa harap ng publiko. Kung nagsisisi man ito sa partisipasyon sa puwersahang pag-agaw ng posisyon kay ERAP noong 2001, maari sanang pinasarili na niya at tumahimik na lang. Tutal, inayunan naman ng Mataas na Hukuman ang naganap at ikinulong naman na si ERAP ng ilang taon din. Hindi ba ginawan pa ito ng “katwiran” -– ang tanyag (o notorious?) na “constructive resignation doctrine” (para sa marami, ang ginawa ng SENADO sa second envelope vote ay maaasahan sa isang pulitikal na kagawaran. Pero ang non-political dapat na SUPREME COURT, ano ang kanilang paliwanag)? At hindi maikakaila na hindi nasikmura ni President Cory ang mga tsismis sa mga pamamahay ni ERAP kahit ito’y sa kanyang personal at hindi pampublikong buhay.

Subalit GO pa rin si Cory sa SORRY. Kung wala siyang paliwanag, mamili na lang sa mga posibleng dahilan: (a) guilty siyang nakilahok sa puwersahang pagtanggal sa kaisa-isang tunay na halal na Presidente (Cory – tinalo ni Marcos; Ramos – dinaya raw si Miriam; Arroyo – nang-agaw sinundan ng nandaya); (b) sa tindi ng anomalya ng kasalukuyang Rehimen, para palang anghel si ERAP kung ihahambing; o (c) umiral lang ang kanyang pag­kakristiyano.

Nadismaya raw ang mga kaalyado ni CORY sa gina­wang paghingi ng paumanhin. Ano man ang naging parti­sipasyon nila, kung hindi pa rin nagbago ang kanilang pananaw ay nasa kanila iyon. Kung gusto nilang maasar kay CORY, kara­patan din nila. Pero kilalanin dapat na karapatan din ni CORY ang mag-sorry.

Ayon nga kay Archbishop Oscar Cruz, “kung alam lang daw ng tao na ganito pala ang Arroyo Ad­mi­nistrasyon, hindi sana mangyayari ang EDSA II”.

May mga dismayado, subalit higit na marami ang natuwa. Ano man ang prinsipyo pabor o laban kay ERAP, kailan naging kasa­lanan ang humingi ng kapa­tawaran?

PRESIDENT CORY AQUINO

GRADE:    95

Show comments