(Huling Bahagi)
BUMABATI ako ng Maligayang Pasko sa mga mambabasa ng Pilipino Star NGAYON.
Sa unang bahagi ng colum na ito ay inilahad ko ang pagsalakay ng mga pulis sa pamumuno ni Supt. Romulo Sapitula at Ins. John Guiagui sa illegal na Philippine Blood Bank sa Felix Huertas corner Tayuman Sts., Sta. Cruz, Manila na ang maintainer ay si Erwin Rommel Masangcay.
Para sa inyong kaalaman mga suki, si Masangcay ay isang Medtech at hindi authorized na kumuha o magsalin ng dugo. Ilang beses na rin palang nahuli ng NBI si Masangcay subalit labas-masok lang ito at tuloy pa rin ang raket.
Sa pagtitiyaga nina Guiagui, kanilang natiyempuhan noong Biyernes ng madaling-araw ang paglabas ng dalawang alalay ni Masangcay na sina Rogelio Sanchez at Artemio Tan na bibili sana umano ng sigarilyo. Nabigla pa ang dalawa nang dakmain nina Guiagui na akmang ikakandado pa sana ang pintuan ng klinika para hindi makapasok ang kapulisan.
At doon na natuklasan ang lihim na matagal ng inaabangan ng kapulisan. Sa bukana ng klinika ay nakita na agad ang 17 katao na nakaupo at nag-aantay para makunan ng dugo. Nataranta ang mga ito sa kabiglaan ng sumungaw sa kanilang harapan ang mga pulis at opisyales ng barangay.
Kaagad na umakyat ang grupo ni Guiagui kasama ang ilang barangay tanod sa ikalawang palapag ng klinika at doon nila inabutan ang dalawang katao na nakahiga sa papag at kinukunan ng dugo habang may 10 pang katao ang naghihintay.
Pasintabi po mga suki! Masangsang ang amoy sa naturang klinika dala ng halu-halong amoy ng mga taong gusgusin at mga lasing ng aking pa sukin para kunan ng larawan. Sa ganitong siwasyon paano makatitiyak na malinis ang mga dugo ng mga donors kuno kung ganito naman ang kanilang mga ayos. Di ba mga suki?
Malalamlam ang mga mata at ang ilan pa nga’y nakita kong burdado ng tattoo sa katawan na talaga namang mahigpit na ipinagbabawal ng Department of Health (DOH) at Philippine National Red Cross (PNRC). Napag-alaman kong P280 ang ibinabayad ni Masangcay sa bawat 500 cc ng dugo.
Ito ang trabaho ng ilan nating mga kababayan na sa sobrang tamad maghanapbuhay ay dugo na lamang ang kanilang ibinibenta upang ipanus tos sa kanilang bisyo.
Kaya sa bawat patak ng dugo ng mga lagalag ay limpak-limpak na pera naman ang kinakamal ni Masangcay. Marami palang ospital na kontak si Masangcay sa kanyang illegal na operasyon at wala sa bukabularyo niya ang kaligtasan ng mga nangangailangan ng dugo. Sa halip na tumulong si Masangcay na maisalba ang buhay ng pasyente ay lalo lamang inilalapit sa karit ni kamatayan.
Sa ngayon tuluyan nang ikinandado ni Sa pitula ang klinika ni Masangcay upang di na maging banta sa kalusugan ng mamamayan. At dahil diyan sa magandang trabaho ni Sapitula at ng kanyang masisipag na kapulisan, palakpakan natin sila.