Sa ngalan ng real reality Investigative TV
TAONG 2008 nang sunud-sunod na nagsagawa nang malalaking drug-bust operation ang Philippine Drug Enforcement Agency o PDEA kasama ang BITAG at Mission X.
Inumpisahan ito noong Marso 2008, isang gulatang drug raid operation sa La Loma kung saan karamihan sa mga nahuli ng PDEA ay mga naglilitsong gumagamit at nagbebenta ng droga.
Sinundan ito ng Agosto, isa namang mapanganib na operasyon sa Payatas kung saan nagkapalitan ng putok ang mga operatiba ng PDEA at mga suspek na user at pusher sa lugar.
Buwan ng Oktubre naman isinagawa ang land at air drug-bust operation ang isinagawa rin ng PDEA sa Ma-balacat Pampanga na tinaguriang shabu tiangge ng Region III.
Dito, unang napanood sa telebisyon ang pagsasanib puwersa ng BITAG, Mission X, Wanted sa Radyo at Isumbong mo kay Mon Tulfo sa malaking operasyon na ito.
Sa kauna-unahang pagkakataon sa larangan ng telebisyon at real-reality investigative TV, naipakita ang preparasyon, paghahanda, pagpaplano at aktuwal na pangyayari sa mga delikadong operasyon na ito.
Bawat operasyon ay may kanya-kanyang stratehiya. Stratehiyang taktikal kung saan masusing pinagpaplanu-han at pinag-aaralan ang lugar, kilos at galaw ng mga tauhan at sitwasyon ng bawat subject.
At hindi maikakaila na bawat operasyon ay lubhang mapanganib. Dahil dito, bibihirang magsama ng media ang mga operatiba.
Masuwerteng tanging BITAG lamang ang naaanyayahan ng PDEA na magdokumento ng kanilang mga sensitibong operasyon.
Nakamit namin ang tiwala mula sa kanila dahil na rin sa resulta na ng mga nauna naming trabaho. Hindi kasi gawain ng BITAG na ariin ang hindi amin.
BITAG din ang nagsilbi nilang mata kung saan dokumentado ang lahat ng impormasyon, kilos at galaw ng bawat trabaho nang walang labis, walang kulang, walang dagdag, walang edit.
Sa nalalapit na pagsapit ng taong 2009, inaasahan naming ang mas pinatindi at mas pinatapang na sanib puwersa ng BITAG at PDEA, sa ngalan ng real reality Investigative TV.
- Latest
- Trending