TINARGET ako ng e-mail brigade ng Philippine National Police nitong nakaraang linggo. Pinuntirya ang paglahad ko ng batikos sa media sa pagkakabaril-patay ng Special Action Force sa tatlong sibilyan sa gitna ng enkuwentro sa Parañaque. Sinabi ko ang dalawang nasagap kong analysis ng mga komentarista. Una, na sanay lang ang SAF sa bakbakang-gubat sa rebeldeng komunista o separatis- tang Moro, kaya bara-bara kung bumaril sa anumang gumagalaw. Ikalawa, kulang sila sa training sa pagputok kaya takot mapasabak, at kung naroon na ay natataranta. Dinagdag ko, hepe mismo ng PNP ang nagsabi: Walang humaliling ground commander nang i-evacuate ang colonel na nagurlisan ng bala sa ulo—isa pang pruweba ng kakulangan ng pagsasanay sa enkuwentro.
Di tulad ng mga lehitimong e-mailers na nagbibigay ng pangalan at address, pseudonymous ang e-mail brigade. Iisa ang tema: Kesyo sobra raw ako bumatikos sa iisang di-maiwasang pagkakamali.
Ang babaw ng PR ng PNP; akala aatras ako sa propaganda nila. Lalo lang ako ginanahan bumanat. Pinahamak lang niya ang pamunuan niya.
Unang-una, ako ang pinaka-mabilis pumuri sa pulisya kapag may mabuti silang ginawa. Malimit kong ilahad ang pangangailangan hindi lang ng baril at sasakyan kundi mga benepisyong pa-ospital, pa-aral sa mga anak, at pa-libing.
Pero mabilis din ako pumuna sa mga kamalian ng pasu weldo nating pulis. Kung walang nakatutok na exposer ng katiwalian at pang-aabuso, hindi titino ang pulisya. Alam nila ‘yon. Tandaan ang 405,000 euros (P6.9 million) na nahuli ng Moscow customs na bitbit ng isang kareretiro pa lang ng he-neral nila; hangga ngayon nakaipit ang pera nila sa Russia.
Mabalik tayo sa Parañaque incident, National Police Commission na mismo ang nagsabi na nilabag ng SAF ang rules of engagement. Hindi raw sila nagtalaga ng blocking force na bubugaw sa mga sibilyan na maaring pumagitna sa palitan ng putok. Isa pa rin itong proof ng kakulangan ng SAF sa training. O, paulanan niyo nga ng e-mail brigade ang Napolcom!