Corny ngunit makabuluhang Pasko!
Nasa Beijing ako noong isang taon at nagkataon nga na pinagdiwang nila ang Chinese New Year. Namangha at nalula ako sa kaliwa’t kanan na paputok ng firecrackers at sa makulay na fireworks display na bumalot sa buong siyudad.
Wala akong ibang nasabi kundi ‘Wala nito sa Davao, ah!’, nang nagsilakasan ang paputok at mistulang nagliwanag ang kalangitan sa fireworks habang binabaybay namin ang downtown Beijing patungo sa Embassy Row na kung saan matatagpuan ‘yong restaurant na may pinakamasarap na Peking duck. Mahabahabang biyahe rin yon.
Parang ang buong Beijing ay niyanig ng lindol ng paputok at binagyo ng pyrotechnic materials. Ang saya-saya ng mga tao kahit nga sa kalagitnaan ng malamig na winter. Naging 24/7 ang paputok ng firecrackers dahil buong araw naging ganun sa loob ng isang linggong bakasyon ko sa Chinese capital.
Naisip ko na matagal ko na palang hindi nasaksihan ang ganitong pangyayari dito sa Davao City maging Pasko man o di kaya’y New Year. Wala na ngang nagpapaputok ng watusi rito ni nagsisindi ng sparklers.
Ito ay dahil may pito o walong taon na kasing pinaiiral ang local ordinance namin na bumabawal sa pagdala, pagbenta at pag-gamit ng mga firecrackers at pyrotechnic materials.
Mahigpit na pinapairal ang nasabing local na batas. Kaya nga ang mga pulis dito sa Davao City ay abala rin sa pagdakip ng kahit sino mang may dala o may hawak man lang ng firecrackers at fireworks tuwing Pasko at New Year dito.
Ilang negosyante na rin ang nahuli rito na hindi lang yong mga nagtangkang magbenta ngunit pati na rin yong mga dumaan lang ng Davao City na karga sa kanilang mga sasakyan ang mga boxes ng firecrackers at pyrotechnic materials. Iyon ay dahil bawal nga kahit na sabihin pang dadalhin sa karatig bayan ang mga kargamentong firecrackers at fireworks at idadaan lang sa pier dito sa Davao City. Talagang huhulihin at kakasuhan ang sino mang lalabag ng nasabing ordinance na nagbabawal kahit nga ‘transport’ lang ng firecrackers.
Kamay na bakal ang ginamit ni Mayor Rodrigo Duterte nito kasi kahit nga mga kaibigan niyang Instik ay hindi rin niya pinahihintulutang magpaputok ng firecrackers at anumang fireworks display tuwing Chinese New Year.
Corny na kung corny kami rito sa Davao City. Ngunit kami ay masaya na rin sa nasabing local ordinance dahil ilang taon na ring naging bakante ang mga emergency rooms ng aming mga ospital dito sa siyudad tuwing pagsapit ng hatinggabi ng December 24 at maging ng pagsalubong ng New Year.
Pinagmalaki na rin namin na ilang taon na kaming zero-injury dito sa Davao City tuwing Pasko at New Year. Mas mahalaga sa amin ang walang masugatan or maputulan ng kamay, paa o anumang bahagi ng katawan ng dahil sa firecrackers.
May mga ilan-ilang nasusugatan ang dinadala sa mga ospital namin tuwing Christmas at New Year’s eve ngunit sila ay mga galing sa mga karatig bayan na dito na nagpapagamot.
Hindi ko pa rin ipagpalit ang katahimikan at ang kasigurohan na maging ligtas ang mga mamamayan sa panandaliang kaligayahan na makukuha sa paputok ng firecrackers at maging sa fireworks. Ito ay masisilayan sa mga mukha ng mga taong pumuntang simbahan para sa midnight Mass na wala na iyong bakas ng takot na may biglang magpaputok sa daan.
May iba pang mas makabuluhang paraan sa pagdiwang ng kaarawan ni Jesus Christ, ang mahalaga ay hindi natin makaligtaan ang magdasal at ang magpasalamat sa Diyos.
Iyan ang tunay na diwa ng Pasko.
- Latest
- Trending