KAKAIBA ang suwerte ni Gloria Macapagal Arroyo. Minana niya ang naudlot na termino ni Joseph Estrada nu’ng Enero 2001-Hunyo 2004. Nakatakbo siya para Presidente nu’ng Mayo 2004 at ginamit ang Office of the President para man daya. Nagka-termino hanggang Hunyo 2010; siyam-at-kalahating taon mauupo. Sa Konstitusyon, siya ang hihirang sa justices ng Korte Suprema mula sa nominees ng Judicial and Bar Council.
Ma-poder na grupo ng JBC. Sa Konstitusyon, maaari lang humirang ang Presidente ng justice mula sa short list ng tatlong nominees ng JBC. Sa madaling salita, kung wala sa listahan ng JBC, hindi maaring gawing justice ng Presidente.
Pero may gusot. Ang JBC mismo ay binubuo ng mga hinirang o kaibigan ng Pangulo. Sa Konstitusyon, ang ex-officio members ay ang Chief Justice, justice secretary, at chairmen ng Senate at House committees on justice. Depende sa tadhana (tulad ngayon sa tagal nakaupo ni Arroyo), maaring ang Presidente mismo ang humirang sa Chief Justice, tulad ni Reynato Puno, bukod sa alipores na justice secretary, na si Raul Gonzalez. Maaring katoto niya ang tig-1/2 vote na justice committee chairmen, ngayon sina Sen. Chiz Escudero at Rep. Matt Defensor. Maari ring isalaksak ng Presidente ang iba pang kasapi ng JBC: ang alagad ng Integrated Bar of the Philippines, ngayon si Atty. J. Conrado Castro; alagad ng retired justices, si Regino Hermosisima; ng law schools, si Dean Amado Dimayuga; at ng private sector, si Atty. Aurora Santiago.
Pito sa 15 justices ang magreretiro sa 2009. Pagkakataon ito para isalaksak ni Arroyo ang mga katoto sa Korte Suprema—para iligtas-katawan siya sa kasong plunder at war crimes ma kalipas ang 2010. Pero miski appointees niya ang karamihan sa JBC, hindi ito nagpatuta. Sa mosyon ni Castro nu’ng Lunes, pinasya ng mayorya ng JBC na isapubliko ang botohan nila. Sa gan’ung paraan, liliit ang pagkakataon ni Arroyo na kontrolin ang Korte. Mabibisto ang mga dati’y sekretong utusan ni Arroyo.
Bukod kay Castro dapat ding purihin sina Puno, Escudero, Dimayuga at Santiago sa pagpanig sa open voting. Sina sipsip lang na Gonzalez, Defensor at Hermosisima ang nais panatilihing sekreto ang botohan.