BALITANG-balita na susuportahan ng Nationalist Peo-ple’s Coalition (NPC) ni Danding Cojuangco sa 2010 presidential polls sina Sen. Chiz Escudero at Loren Legarda. Kung sino ang presidente at bise presidente ay hindi pa napapagpasyahan. Bumubuo na ang NPC ng kanilang “dream team.”
Si Escudero ay agresibo, bata at may ideyalismo pa. Angat din siya kung rating ang pag-uusapan. May potensyal wika nga. Di rin naman matatawaran ang kakayahan ni Legarda na isa nang beterana sa pulitika at may napatunayan din.
Pero kung ako ang tatanungin, mas gugustuhin kong maging presidential standard bearer si Escudero. Bakit? Hindi naman sa ako’y isang “male chauvinist” subalit hindi naging maganda ang karanasan ng bansa sa pamumuno ng babaeng presidente. Posibleng kakaiba si Legarda pero iyan ang nakabaon ngayon sa isip ng mamamayang Pilipino. Babae na naman?! Ibig kong sabihin, sariwa pa ang GMA stigma sa isip ng tao.
Pero ayon sa NPC, ibabase ang desisyon nila kung sino ang gagawing presidente at bise sa resulta ng mga surveys.
Dangan nga lang, mahirap pagtiwalaan ang resulta ng surveys ngayon. Mukhang kung sino ang nagkomisyon sa survey ang siyang pinapaboran nito.
Anyway, anyway, mabuti pa nga siguro’y pag-usapan na ngayon sa media ang mga tatakbo sa 2010 para malihis tayo sa isinusukang usapin sa charter change.
Ayaw ko sana pero kailangan marahil ito para masiguro na natin na matutuloy ang 2010 presidential elections. Selyuhan na wika nga.
Tutal, halos isang duraan na lang ang 2010. Papasok na ang 2009 kaya dapat na sigurong lumantad at magpa kilala ang mga gustong humirit sa pagka-pangulo para makilala ng tao. Kailangan silang maglantad ng totoong kulay at walang bahid ng pagkukunwari. Parang kalakal iyan na ibinebenta. Dapat matiyak ng tao ang totoong kalidad nito.
Higit na mahalaga, maging mapagsuri ang taumbayan. Huwag padadala sa propaganda at mga paninira na karaniwang nangyayari sa ganitong panahon.
2010 is crucial. Kailangang maging prayerful tayo at ma pagsuri para makagawa ng tamang desisyon. Kung mabibigo pa rin tayong makakuha ng matinong leader, baka sa kangkungan na tayo damputin.