EDITORYAL - Daming trabaho para sa OFW, dami ring imamaltrato

DUMATING noong Martes galing sa tatlong araw na pagbisita sa Qatar si President Arroyo. Ma­ganda ang dalang pasalubong ni Mrs. Arroyo sa­pagkat 37,000 trabaho para sa Pinoy skilled workers ang kailangan sa Qatar. Nasa construction boom ang nasabing bansa kaya maraming Pinoy na traba­hador ang kakailanganin. Ayon kay Trade Sec. Peter Favila, 128 working visas ang ipinagkaloob ng Qatari government para sa mga Pinoy workers.

Nang magsalita si Mrs. Arroyo sa signing ng Renewable Energy Act of 2008 sa Malacañang, sinabi niyang matatag ang employment para sa mga overseas Pinoy workers sa kabila na may nangyayaring global financial crisis. Kaunti lamang daw ang mga OFW na natatanggal sa trabaho. Marami raw traba­hong naghihintay sa mga Pinoy sa ibayong dagat. Patunay daw nga rito ang Qatar na nangangailangan ng mga trabahador. Kaya wala raw dahilan para mag-panic. Hindi raw hahayaan ng kanyang gobyer­no na may mga OFW na mawalan ng trabaho.

Naghihintay ang trabaho para sa mga OFW kaya hindi dapat mabahala. Pero may maganda pa sanang pasalubong si Mrs. Arroyo kung pati ang mga minaltratong OFW sa Middle East ay kanya na ring personal na inalam ang kalagayan. Mas matutuwa ang mga kamag-anak ng mga OFWs (karamihan ay mga domestic helper) kung ibabalita niyang natulungan niya ang mga kawawang manggagawa na nakakulong o mga nasa embassy nanunuluyan dahil minaltrato ng kanilang amo. Mas magiging masaya ang mga kamag-anak ng minaltrato at inabu­ song OFW kung natulungan ni Mrs. Arroyo.

Alam kaya ni Mrs. Arroyo na may 70 OFWs ang nakakulong sa Doha deportation cells? Karamihan sa mga nakakulong ay DHs na tumakas sa kalupitan. Sumagi kaya ito sa isipan ng Presidente o masya­do siyang nakatuon sa iuuwing balita kung saan 37,000 jobs ang naghihintay sa Qatar. Bukod sa mga nakakulong sa Doha, Qatar, tinatayang 25     DHs ang nakakulong sa Kuwait. Sila rin ay pawang ina­buso ng among Arabo.

Maganda sanang Papasko sa mga OFW at kaanak kung naasikaso ni Mrs. Arroyo ang mga “bagong bayaning” nasa likod ng malamig na rehas.

Show comments