Lumiliit na ang mundo ng Waray-Waray Gang
MATINDING bukulan sa partehan ng mga kinulimbat na pera ang dahilan para maghudas ang ilang miyembro ng kilabot na Waray-Waray at Ozamis robbery gang na nagresulta sa kamatayan ng 12 miyembro noong December 5 sa United Parañaque 4 Subdivision, Parañaque City.
Ito ang usap-usapan sa Manila Police District Head quarters kung saan nakakulong si Rolando Malnis, alias “Kalag” matapos mahuli ng District Police Intelligence and Operation Unit (DPIOU) na pinamumunuan nang masipag na si Chief Insp. Audie Madridero. Congrats, Sir sa kasipagan mo.
Mukhang napuno na ang salop ng ilang dismayadong miyembro sa sobrang pambubukol ng kanilang leader na si Alvin Flores, alias “Lexter” at “Bunso” kaya tumuga na ang mga ito sa mga kapulisan. Humantong sa walang puknat na barilan na ikinadamay ng apat na inosenteng mamamayan.
Bumulagta ang 12 Waray-Waray members matapos masorpresa ng Philippine National Police Traffic Management Group Anti- Hijacking Task Force, National Capital Region Police Office, Southern Police District at Special Action Forces.
Ngunit sa kabila nang matagumpay na operasyon ay nadamay ang mag-amang Alfonso at Lia Allana De Vera. Ang mabuting trabaho ng kapulisan ay naging palso sa tingin ng iba, dahil lumalabas na overkill ang ginawa nila sa mga suspek at sibilyan.
Agad namang kumilos ang kapulisan sa pangunguna ni Chief Insp. Madridero para mahuli ang mga pusakal na nakatakas. Nalambat sa isang follow-up operation kinabukasan (Sabado) sina Kalag, Jekjek at Bokbok sa kanilang pinagtataguan sa Molino II, Bacoor, Cavite.
Sa 16 katao na kanilang dinala sa MPD, pito ang naging positibo sa mga ito na sangkot sa grupo kaya naging daan ito sa kapulisan na makilala pa ang ilang miyembro na nagtatago. Unti-unti nang lumiliit ang mundo ng mga ito sa masisipag na pulis. Di ba MPD director Chief Supt. Roberto “Boysie” Rosales!
Sa pagkahuli kay “Kalag”, lumitaw na sila ang nasa likod ng panghoholdap sa mga sumusunod: RC Cola warehouse sa Novaliches; St. Scholastica’s College, Manila; NFA warehouse, Valenzuela; IDS Logistics, Parañaque; Freshtex, Muntinlupa; Mayers Steel Pipe and Continental Steel, Valenzuela; R&T Transport, Caloocan; Fone Tech International Inc., Makati; Wellbest, Pasig; LRT depot, Pasay; Navotas fishport; Shell select gasoline station sa North Luzon Expressway, Bulacan at armored van robbery sa UP-Diliman, Quezon City.
Ayon sa mga taga-MPD na aking nakausap, ang sobrang pambubukol sa kanila ng sindikato ang dahilan kaya sila tumuga at para matunton na ang lahat nilang kasamahan na sangkot sa panghoholdap.
Abangan.
- Latest
- Trending