Naging usap-usapan ngayon ng mga taga-Surigao del Sur paano naging sundalo na ng malaking kumpanya gaya ng Paper Industries Corporation of the Philippines (PICOP) ang Philippine Army sa nasabing lugar.
Ayon sa mga ulat, ang mga sundalo ng mga Philippine Army battalions na nakatalaga sa areas na sakop ng PICOP na may tinatayang 200,000-hectare na kagubatan sa Surigao del Sur, ay naging mga security officers na raw ng operations ng nasabing kumpanya.
Oo at may sariling security group ang PICOP, ngunit sa laki at lawak ba naman ng sakop na kagubatan nito na kung saan may exclusive rights ito, ay kukulangin talaga sila ng tao upang mabantayan ng maigi ang operation nila.
Ang mga Army battalions na ito ay sakop din ng 401st Infantry Brigade na siyang tagapangasiwa ng operations ng mga nasabing sundalo.
Kaya nga binansagan na raw na “Armed Forces of PICOP” imbes na Armed Forces of the Philippines (AFP) ang mga miyembro ng sandatahang lakas dahil nga sa pagiging security guards na nila ng mga taga-PICOP.
May mga balita nga na hindi na raw gumagawa ang mga sundalo ng Internal Security Operations (ISO) laban sa mga rebeldeng New People’s Army sa liblib na gubat ng Surigao del Sur dahil mas ginagampanan nila ang pagbabantay ng checkpoints upang siguruhin na safe ang dinadaanan ng logging operations ng PICOP.
Hindi na nga raw nakapagtataka na may limang sundalo ang namatay at dalawang iba pa na nasugatan nang pumutok ang landmine na tinanim ng mga rebeldeng NPA sa kalsada ng bayan ng Lianga noong nakaraang dalawang linggo.
Dahil nga sa strategy ng Philippine Army sa nasabing PICOP area, naging ‘easy targets’ na raw ngayon ang mga sundalo para sa mga rebeldeng NPA sa Surigao del Sur.
Paano na lang ang sinasabing kampanya ng pamahalaang Arroyo na sugpuin ang insurgency pagdating ng 2010 kung nakatutok sa mga pribadong kumpanya ang ating mga sundalo?
Kung pagbabasehan ang labanan sa pagitan ng militar at ng mga rebeldeng komunista dito sa timog Mindanao, walang dudang nanalo ang NPA kung pag-usapan ang body at firearms counts. Talo ang mga sundalo kung statistika ang pag-usapan.
Kung tutuusin mas lalong bumabangis ang mga rebeldeng NPA dito kahit na dinagdagan pa nga ng militar ang puwersa nito lalo na sa Surigao del Sur, Agusan del Sur, Compostela Valley, Davao Oriental at ang mga kalapit na lalawigan nito. Walang takot at sunud-sunod na pag-atake ang nilulunsad ng mga rebelde sa mga sundalo ng pamahalaan.
Ngunit ito ay kasalanan na rin ng ilang mga military officials na mas gustuhin pa nilang maging ‘Armed Forces of PICOP’ kaysa maging tunay na sandatahang lakas ng mga mamamayan.