Hindi tumupad sa pangako ang Sulpicio at Marina
PANGAKO na napako. Tama ang alinlangan ng mga taga Sibunanon na hindi kayang tuparin ng Sulpicio Lines at Maritine Industry Authority (Mariba) na maiaahon ang Princess of the Star sa kinalubugan nito sa baybaying dagat ng San Fernando, Romblon.
Nag-ugat ang kanilang pagkadismaya sa Sulpicio at Marina nang matapos ang deadline noong December 8 ay naroroon pa rin sa kinalulubugan nito ang naturang barko. Ganyan talaga mga suki! Pinangakuan ka na nga eh dapat pa bang tuparin.
Sayang ang mga matatamis na mensahe ni Department of Transportation and Communication (DOTC) Usec Elena Bautista, Chairwoman ng Princess of the Star Task Force nang magtalumpati sa mga taga-Sibuyan noong October 26.
Kabilang ako sa nagkober sa madamdaming progra-ma kung saan isang thanksgiving mass ang ginawa. Halos sabay-sabay na naghagis ng mga kumpol-kumpol na pulang bulaklak ang mga opisyales ng pamahalaan at mga residente roon bilang alay sa mga biktima.
Dahil sa pagtutulungan ng Sulpicio Lines, Philippine Coast Guard, Marina at ng local governent units (LGUs) ay napabilis ang pagkuha ng mga bangkay sa loob ng barko na agad namang dinala sa Cebu upang maisailalim sa DNA Test. Pakitang gilas lamang pala ito ng Sulpicio Lines at Marina upang maibsan ang galit ng mga residente roon na nawalan ng hanapbuhay.
Sa ngayon ay muli na namang nanggagalaiti ang mga nagugutom na residente ng San Fernado, Romblon dahil ang pangako na pag-ahon ng barko sa kanilang karagatan ay tuluyan na namang napako.
Papaano pa nga sila makapangingisda sa naturang lugar kung patuloy pa ring nakasubsob ang naturang barko at nagbabanta ng panganib sa kanilang buhay. Oras na gumalaw umano ang tubig ay baka tuluyan na itong bumulusok sa kailaliman at maging sila ay mahigop ng tubig. Tama kayo diyan mga suki!
Kayat sa ngayon ay nais nilang isigaw sa tai-nga ni Bautista at Jordan Go ng Sulpicio na tuparin ang kanilang pinangako na mahahango at maaalis na ang naturang barko sa kanilang karagatan upang maibalik na sa normal ang kanilang pamumuhay. Usec Bautista kumilos ka’t nagugutom na ang mga Sibuyanon! Huwag puro kaplastikan ang ipakita. Baka dumating ang araw may magrali sa tarangkahan mo.
Jordan Go, huwag urong-sulong sa desisyon mo sa mga apektadong mamamayan ng Romblon! Kung sensiro ka, isumite mo na kay Vice Admiral Wilfredo Tamayo ng Philippine Coast Guard at vice Chairman ng Princess of the Star Task Force ang salvage plan upang maisagawa na ang paghango at pag-aalis sa barko. Abangan!
- Latest
- Trending