UMIIKOT ang mundo, bilog ang bola, karma. Iilan lang ang mga kasabihang ito na nagpapahiwatig na kung ano ang ginagawa ng isang tao, ay may balik o kabayaran ito balang araw.
Ganito siguro ang pakiramdam ngayon ni House Speaker Prospero Nograles, dahil sa mga usap-usapan at haka-haka na nasa peligro ang kanyang posisyon bilang House Speaker, dahil sa mga pahayag niya na puwede siyang sumang-ayon sa isang Constitutional Convention, na katayuan naman ng karamihan sa Se-nado, bilang pamamaraan para baguhin ang saligang batas ng bansa.
Ang katayuan kasi ng mga kaalyado at kamag-anak ng President Arroyo ay isang Constituent Assembly, kung saan mga kongresista lang ang magdedesis-yon ukol sa mga pagbabago, kung meron man. Natatandaan naman siguro ninyo kung paano umangat si Nograles sa kanyang kasalukuyang posisyon — sa pamamagitan ng pagpapatalsik kay Jose De Venecia Jr.
Baka naman kasi nararamdaman na ni Nograles ang matinding pagtutol ng karamihang mamamayan sa mga kilos ng Kamara hinggil sa Cha-cha. Halos araw-araw ay nasa mga balita ang dumadagdag na grupo na tutol sa Cha-cha. Maging ordinaryong mamamayan, dating presidente, obispo ng simbahan, El Shaddai, JIL, mga negosyante at mga NGO at cause-oriented na grupo. Parang nagtipon-tipon na pulbura na naghihintay na lang ng tamang mitsa at apoy para pumutok!
Ganun lang naman ang kapangyarihan ng mga kaalyado at kamag-anak ni President Arroyo ngayon. Kahit ano ay puwede nilang harangin, kahit ano ay puwede nilang palampasain, kahit sino ay puwede nilang patalsikin. Kahit ano ay puwede nilang gawin, dahil mga mambabatas nga sila. At ang mamamayang Pilipino na lang siguro ang makakapalag sa makapangyarihang puwersang ito sa loob ng Kongreso.
Sa pinakahuling impeachment na kasong inihain laban kay President Arroyo ng iilan, wala silang laban sa numero ng mga kaalyado niya, kaya naman agad nailibing ito. Parang wala nang boses ang mamamayang Pilipino sa ganitong sistema. Kaya Con-Ass ang gustong pamamaraan dahil sa tao mapupunta ang kapangyarihan ng pagbabago ng Saligang Batas kung Con-Con ang masusunod.
Siguro kailangang pag-aralan talaga ni Speaker Nograles ang kanyang tunay na posisyon ukol sa pagbabago ng Saligang Batas. Pag-aralan niya ang tutol ng mamamayang Pilipino sa gusto at hiling ng Kongreso.
Mahirap talagang maging isang pinuno. Ikaw ang laging nasa mata ng lahat. Para ka na ring nagpintura ng malaking target sa dibdib mo, dahil lahat ng desisyon ay kailangang dumaan sa iyo. At kapag hindi nagustuhan ang katayuan mo, puwede ka na lang tirahin! May isa pang kasabihan, malungkot sa tuktok ng bundok. Tanungin na lang niya si JDV.