KAHAPON ay ipinagdiwang ng buong daigdig ang International Human Rights Day. Masarap pakinggan sa tenga na ipinagdiriwang ang ganitong araw bilang pagrespeto sa karapatang pantao. Pero sa realidad, nakapanghihilakbot ang kaso ng mga pinapatay na militanteng leader at mga media practitioners lalu na dito sa sarili nating bansa.
Sa nakaraang ilang araw lang, dalawang media practitioners ang itinumba sa Kabisayaan at Bicolandia. Sinundan pa ito ng pagkakapaslang kamakailan kay Leonillo Muriel, isang kolumnista at photographer sa Cu-bao, Quezon City. Parang mamera na ngayon ang ganitong mga istorya. Ibig sabihin, pangkaraniwang nagaganap.
Tila ito na ang pinakamadali at epektibong pagpigil sa mga mamamahayag na punahin at batikusin ang mga kabulukan sa gobyerno at sa lipunan.
Magastos nga naman at maabala kung magpa-file pa ng libel case na kadalasan naman ay nadi-dismiss lang. Magbabayad pa ng malaking halagang filing fee bukod pa sa abogado pero talo rin! Kapag pinatay nga naman ang mga hard-hitting newsmen, tiyak may mga matatakot nang bumanat. Iyan ang akala nila. Mayroong mga nababahag ang buntot siguro pero mas marami pa rin ang matatapang na walang takot itaya ang buhay para sa sinumpaang tungkuling magsilbing tenga, mata at boses ng taumbayan.
Umapela kamakalawa sa pamahalaan ang Freedom Fund for Filipino Journalists (FFFJ) na resolbahin na ang mga nakabitin pang kaso ng media killings na hangga ngayo’y wala pa ring kaliwanagan. Sa administrasyong Arroyo lamang, umaabot na sa bilang na 39 ang mga mamamahayag na napaslang.
Wala naman marahil kinalaman ang administrasyon sa mga kasong ito pero siyempre, ito ang mabubuntunan ng sisi. Kaya tama ang FFFJ. Kung ibig patunayan ng gobyerno na wala itong kinalaman sa lumulubhang media killings, dapat umak syon ito. Ngayon na!