Ayaw ni Bolante matawag na bulaan
AYAW ni dating Agriculture Undersecretary Jocjoc Bolante na matawag na bulaan. Pero wala siyang ginawa kundi magbulaan sa tatlong hearings ng Senado sa P728-milyong fertilizer fund niya.
Pinalabas ni Bolante na i-release lang niya ang pera, para ipaubaya kuno sa regional directors ang pagbili ng fertilizers. Pero nagsumite ang huli ng mga memo mula kay Bolante na inutos pala niya kung kani-kaninong pulitiko at front NGO ibibigay ang pera.
Walang kurap na sinabi ni Bolante na apat lang ang bank acccounts niya, at dalawa rito kuno ay inactive na. Pero sa report ng Anti-Money Laundering Council, lumalabas na 23 ang accounts niya: 12 sa Prudential Bank (na na-merge na sa BPI), pito sa BPI mismo, isa sa Union Bank, dalawa sa RCBC, at isa sa Standard Chartered. Nang ilahad lahat ito ni Senate President Pro Tempore Jinggoy Estrada, nagpalusot si Bolante na pati ‘yung matagal nang saradong accounts ay inungkat ng AMLC para i-freeze. Hindi niya sinabi ang buong katotohanan: Sinarado ang karamihan ng accounts nu’ng 2004-2006 matapos i-divert ang P728 milyon sa kampanya ni Gloria Arroyo nu’ng Pebrero-Abril 2004.
Kesyo hindi raw matandaan ni Bolante kung magkano ang suweldo niya bilang board director ng GSIS matapos isakatuparan ang fertilizer scam. Aba’y tumataginting na P200,000 kada buwan ang per diem dito, hindi pa kasama ang ibang allowances—kaya nga isa ‘yan sa mga pinaka-inaasintang puwesto ng mga gahaman sa gobyerno. Nagmaang-maangan pa si Bolante na hindi niya alam kung sino ang nagtalaga sa kanya sa GSIS, kesyo malamang daw ay si general manager Winston Garcia. E malinaw naman sa charter ng GSIS, isang dokumentong dapat na kabisado ng isang trustee, na Presidente ng Republika, si Gloria Arroyo, ang may awtoridad mag-appoint ng GSIS board.
Ayaw ng Rotary International idikit ang pangalan nila kay Bolante. Paanong hindi mangyayari ‘yon, e international treasurer nila ang bulaang ito? I-expel nila, para manumbalik ang dangal ng Rotary sa kasakiman.
- Latest
- Trending