EDITORYAL - Ang ika-8 mamamahayag na pinatay ngayong 2008
LABINDALAWANG bala ang nakuha sa katawan ni Leo Luna Mila, 35, isang broadcaster sa Northern Samar. Siniguro siyang patay bago tumalilis ang gunman gamit ang kalibre .45 na baril. Sa iba’t ibang bahagi ng katawan tinamaan si Mila. Katatapos lamang ng programa ni Mila dakong alas-sais ng gabi noong Martes nang pagbabarilin sa gate mismo ng radio station.
Si Mila ang ika-8 mamamahayag na pinatay ngayong 2008 at ika-54 mula nang maupo sa puwesto si President Arroyo noong 2001. Mula nang mapatalsik si President Marcos noong 1986, nasa 122 na ang mga mamamahayag na pinaslang at kara-mihan ay hindi nalulutas.
Noong nakaraang Nobyembre 17, isang mamamahayag ang binaril at napatay din sa Gingog City, Misamis Oriental. Binaril sa harap ng kanyang anak si Ariceo Padrigao, radio commentator ng dxRS Radyo Natin. Inihatid ni Padrigao ang kanyang pitong taong gulang na anak sa school nang pagbabarilin ng dalawang lalaking nakamotorsiklo. Hanggang sa kasalukuyan, hindi pa matukoy kung sino ang utak sa pagpatay kay Padrigao.
Ang Pilipinas ay ikalawa sa mga bansang mapanganib sa mga mamamahayag. Nangunguna ang Iraq. Dahil sa walang tigil na pagpatay sa mga mamamahayag, maraming dayuhang grupo ang bumabatikos sa gobyerno. Tahasan nilang sinabi na walang ginagawang aksiyon ang Arroyo administration sa pagpatay sa mga mamamahayag. Maraming grupo ng mamamahayag ang nagtungo rito sa Pilipinas para hilingin sa pamahalaan na bigyan ng aksiyon ang mga pagpatay. Nagpahiwatig pa ang mga bu mabatikos na kaya hindi malutas ang mga pagpatay ay dahil sangkot ang military sa krimen.
Nakakahiya ang ganitong pagbatikos. Hindi naman aabot sa ganitong kaaanghang na pagbatikos ang mga nangyayaring krimen kung ginagawa ng gobyerno ang lahat ng paraan para malutas ang kaso. Subalit sa nangyayaring sunud-sunod na pagpatay, nakikitang walang paki ang pamahalaan. Nakatambak na ang mga kasong pagpatay sa mga mamamahayag subalit walang makitang seryosong hakbang para madakip ang mga utak.
Kailan ba matitigil ang pagpatay sa mga mamamahayag? Mahirap sagutin lalo pa nga’t ang pamahalaan ay walang ginagawang hakbang.
- Latest
- Trending