Ang 2 kong kakaibang guro: Rep. Barzaga at Dr. Ariniego

NAGPAPASALAMAT kami kay Cavite Congressman Elpidio Barzaga, Jr. dahil sa kanyang pagtulong sa dala­wang pasyente ng Philippine STAR Operation Damayan. Nagbigay si Attorney Barzaga ng dalawang cheque na nagkakahalaga ng P100,000 para sa mga maysakit sa puso na si Arvie Nery, 18 years old at Warren Abuda 3 years old. Pareho silang ooperahan na sa Philippine Heart Center. Naging guro ko rin si Attorney at Congressman Barzaga sa De La Salle College of Medicine kung saan siya ang eksperto sa Legal Medicine.

* * *

Ang isa ko pang napakabait at napakagaling na guro ay si Dr. Romeo P. Ariniego. Kakaiba ang kuwento ng buhay niya.

Mahirap lang ang magulang ni Romy. Noong bata pa siya ay nakita niyang may dumalaw na doktor sa kanilang bahay. Namangha siya sa kakaibang tuwa at kislap sa mata ng kanyang mga magulang noong kinakausap ang doktor. “Gusto ko rin maging doktor,” pangako ni Romy sa sarili niya.

Ngunit hindi kayang pag-aralin ng medisina si Romy ng kanyang mga magulang. Dahil dito, sa murang isip, ay nagtrabaho siya bilang isang houseboy. Taga-gawa ng kape, tagalinis ng bahay at tagadrive.

Pagkaraan ng ilang taon ay naikuwento niya sa kanyang dayuhang amo ang kanyang pangarap sa buhay. House­ boy magiging doktor? Ngunit imbes na tawanan siya ay pumayag magbigay ng suporta ang kanyang amo.

Dahil dito, naka-enroll sa kolehiyo si Romy. At para makadagdag sa kanyang budget ay nag-working student pa siya. Nagtrabaho siya bilang janitor sa eskuwelahan. Dati taga-linis ng bahay, nga­yon taga-linis ng school. Ga­noon talaga ang tadhana.

Dahil si Romy ay masipag at matalino, natapos niya ang kanyang pre-medicine course at nakapasok siya sa tanyag na UP College of Medicine. At na­ging espesyalista pa siya sa puso.Dahil sa pawis at talino na ibinuhos niya ay hinirang si Dr. Ariniego bilang Dean ng De La Salle University College of Medicine noong 1996. Wa­ lang estudyante o guro sa buong DSLU ang hindi naka­ki­kilala sa kanya. Isa na siyang insti­tus­ yon.

Pero hindi lang iyan ang naging tagumpay ni Dr. Ari­niego. Alam n’yo ba na sa loob ng halos 20 taon ay gina­wa niyang parang boarding house ang kanyang bahay sa Cavite? Lampas sa 20 scholars na ang sinuportahan ni Dr. Ariniego.

Paanong suporta? Libre pa­bahay (sa bahay niya), libre pag- kain, minsan libre tuition at baon pa! Grabe talaga. Sabi ni Dr. Ari­niego, “Naaalala ko ang aking sarili noong ako’y houseboy pa.”

Noong 2007, may isang scholar na nakatira kay Dr. Ari­ niego ang naging Number 1 sa Medical Board Exam! Na­ilathala ang kuwentong ito sa mga pahayagan.

Sa ngalan ng libu-libong estudyante na natulungan ni Dr. Romeo P. Ariniego, mara­ ming salamat, Sir.

(E-mail: drwillieong@gmail.com)

Show comments