EDITORYAL - Mababang presyo ng gamot kailan maaabot?
AANHIN pa ang damo kung patay na ang kabayo? Ganyan ang karaniwang tanong ngayon na ang tinutukoy ay ang paghihintay ng mamamayan sa murang gamot. Kailan ba magiging mura ang mga gamot? Kailan ba makatitikim ng murang gamot para sa diabetes, hypertension at asthma ang mga kawawang mahihirap? Kapag ba naghihingalo na sila at hindi na tatanggapin ng kanilang katawan ang bisa ng gamot?
Imagine, noong nakaraan pang Hunyo naging batas ang Republic Act No. 9502 o ang Universally Accessible Cheaper and Quality Medicines Act of 2008 pero hanggang ngayon, wala pang makitang pag-asa ang mga maysakit na makakatikim sila ng murang gamot. Ang iba, dahil sa kamahalan ng gamot para sa kanilang sakit ay ipinapasa-Diyos na lamang ang kanilang kalagayan. Wala silang ibibili sapagkat naghihikahos ang buhay. Ang ibang may pambili, inuuna na ang pambili ng bigas at sardinas kaysa sa gamot. Mas mura pang bumili ng isang kilong bigas kaysa bumili ng isang kapsula para sa hypertension at diabetes. Ang iba ay kumakapit na la- mang sa sinasabi at palaway-laway ng albularyo.
Sabi ng Department of Health (DOH) hindi pa naihahanda ang listahan ng mga gamot para sa kanilang maximum retail prices. Sinabi ni Health secretary Francisco Duque III na noon lamang November 21 naaprubahan ang implementing rules and regulations ng RA 9502. Hindi raw magagawa nang madalian ang pagpapababa ng mga gamot. Nangangailangan daw ng sapat na panahon ang paghahanda para maimplement ang batas. Nagbigay ng kaseguruhan si Duque na malapit nang makatikim ng murang gamot ang mamamayan. Kailangan lamang ng kaunti pang pagtitiis at paghihintay.
Masyado nang matagal ang pinaghihintay ng mamamayan para makatikim ng murang gamot. Matagal bago naaprubahan ang batas na ito sapagkat maraming mambabatas ang kumukontra para sa murang gamot. Natuklasan na kaya pala sila tutol sa cheaper medicine law ay sapagkat nagmamay-ari sila ng ospital at mga botika. Marami sa kanila ang nakakatikim ng grasya sa mga banyaga at malalaking pharmaceutical firms kaya naman ganoon na lamang ang kanilang pagtutol. Kung maaari, ayaw nilang maisabatas ang RA 9052.
Sana naman, totoo na ang sinasabi ng DOH na malapit nang maaabot ng mahihirap na mamamayan ang murang gamot. Sana, bago sila malagutan ng hininga.
- Latest
- Trending