BONIFACIO DAY ngayon kaya dapat lang
Sa bayaning ito tayo’y magpitagan;
Nang dahil sa kanya -– lumaya ang bayan
Kahi’t ang ginamit ay itak at tapang!
Palibhasa siya’y anak maralita
Katapanga’t giting ang tanging sandata;
Baril ng kalaban ay hindi ininda
Hanggang sa magapi lakas ng banyaga!
Dukha ang paligid niyang sinilangan
Mga maralita kanyang sinamahan;
Siya ang nagtatag nitong Katipunan
Na luha at dugo ang naging puhunan!
Ang bandilang puti na may tatlong “K”
Iwinawasiwas ng magkakasama;
Sa mga labana’y di natakot sila
Dahil sa ang misyon tayo’y Lumigaya!
Nanguna si Andres sa mga labanan
Kung kaya Supremo’t lubhang iginalang;
Lumalaban siya nang walang urungan
Kaya mga Pinoy nakipagdigmaan!
Maraming tauhan ng ating bayani
Pawang nangabulid sa dilim ng gabi
At pati na siya’y isa sa nasawi
Sapagka’t sa baya’y tapat na nagsilbi!
Kamataya’y kanyang tinanggap ng lubos
Dahil sa hangaring tayo ay matubos;
Sa kanyang layuni’y maraming sumunod
Na mga bayani na ni walang puntod!
Kaya sa calendar nitong ating bansa
Ang Nobyembre 30 ang kulay ay pula
Sa taong dakila ito’y pagkilala
Andres Bonifacio -– bayani ng masa!
Dapat lamang namang ating dakilain
Andres Bonifacio’ng nagtanggol sa atin;
Siya ay yumaong ang buhay ay hain -–
Tayong mga buhay -– ano’ng alay natin?