'Huling gimik ni Sir'
SA MGA PANAHON NGAYON hindi na ikinahihiya ang pagiging miyembro ng tinaguriang “Third Sex.” Marami nga sa kanila ay hinahangaan sa kanilang taglay na talino at talento.
Kaakibat sa umano’y pagkilala sa kanila marami naman sa kanila ang nagiging biktima ng pang-aabuso at karahasan. Ang istoryang tampok ngayon ay tungkol sa isa sa kanila.
November 3, 2008 ng pumunta sa aming tanggapan si Charita Martin 52 taong gulang at isang guro sa elementarya sa Cavite.
Idinulog niya ang pagpatay sa kanyang kapatid na si Rolando Macabenta 42 taong gulang at isa ding guro sa Mahaplag National High School sa Leyte.
Ayon kay Charita na mag-isa lang namumuhay si Rolando sa Mahaplag, Leyte at nangungupahan ito ng isang kwarto sa di kalayuan sa school na kanyang pinagtuturuan. Agad ipinagtapat ni Charita na bakla ang kanyang kapatid.
November 23, 2007 ng namili sa Tacloban si Rolando dahil nakuha nito ang kanyang sweldong P5,000.00 nung naimbitahan siyang maghost sa Munisipyo ng Capoocan.
November 24, 2007 bandang alas dose ng tanghali ng magpunta ito sa bahay ng kanyang co-teacher at dun na rin kumain ng tanghalian. Bago ito umalis ay nabanggit umano nito na siya ay gigimik. Hindi niya alam na ito na pala ang kanyang huling gimik.
Ayon sa mga naririnig na kwento nila Charita na nung kinagabihan ay may kainuman itong si Rolando sa kanyang boarding house at may kasama itong tatlong lalake at isa dito ay ang kanyang kaibigan na si Micheal Limbo.
“Ang alam namin itong si Micheal ay malapit kay Rolando. Isa rin siyang bakla at kung minsan dun siya natutulog sa bahay ng kapatid namin. Dun nauutusan siya ni Rolando at inaabutan nalang ni Rolando dahil sa wala itong trabaho,” ayon kay Charita.
November 25, 2007 hindi pumasok ng trabaho si Rolando kaya naman pinuntahan siya ng kanyang dalawang estudyante sa kanyang bahay upang ipasa ang mga articles na kailangan sa kanilang school paper.
Dahil sa hindi ito sumasagot sa kanilang mga katok at malakas na tawag ay sumilip sila sa bintana at nakita nilang nakatalikod sa kanila si Rolando habang nakahiga at walang suot na damit.
Agad silang bumalik sa eskwelahan at inilihim ang kanilang nakita dahil inakala nilang natutulog lang si Rolando at baka mapahiya.
Kahit ang mga opisyal ng paaralan ay hindi nag-alala kay Rolando at inisip na baka tinatapos lang ang kanilang school paper dahil binigyan nila ito ng tatlong araw na palugit.
Makalipas ang tatlong araw November 28, 2007 ay may pumunta sa Mahaplag National High School upang sabihin na may mabahong amoy na nanggagaling sa loob ng kwarto ni Rolando.
Pumunta kaagad ang mga opisyal ng nasabing paaralan at ipinag-utos ng Principal na buksan ang pinto ng kwarto. Pagbukas nila ay tumambad sa kanila ang tila nabubulok na katawan ni Rolando.
“Ang sabi nila para bang nabubulok na si Rolando at nilalangaw na siya. Nakahubad ito at maraming mga pasa na para bang bugbog na bugbog ang buo niyang katawan,” sabi ni Charita.
Agad silang tumawag ng mga pulis. Kinuhaan ng mga litraro si Rolando at ayon sa imbestigasyon ng mga pulis na wala na ang mga pera ni Rolando.
Nalaman nila Charita na nagbigay ng budget na ang paaralan para sa school paper na P70,000 at nakita nila sa mga documents ni Rolando na nagloan ito ng P40,000 sa GSIS. Ang mga perang ito ay hindi na nakita sa mga gamit ni Rolando.
Pinuntahan ng mga co-teacher ni Rolando ang kanyang kapatid na si Joselita Aton na taga Capoocan, Leyte upang sabihin ang nangyari kay Rolando.
Ibinalita ni Joselita kanila Charita na nasa Manila ang nangyari sa kanilang kapatid kaya nung November 29, 2007 pumunta sila sa Leyte.
December 2, 2007 ng mailibing si Rolando sa Capoocan Cemetery.
Matapos ang libing ay pumunta sila Charita sa Mahaplag, Leyte upang magtanong-tanong. Nalaman nila na bago mangyari ang pagpatay kay Rolando ay nangungutang umano si Micheal sa kanya ngunit hindi niya ito napagbigyan.
Kaduda-duda na nung burol ni Rolando halos lahat ng kaibigan ng kanyang kapatid ay pumunta subalit si Micheal na naturingang matalik na kaibigan ay hindi man lang pumunta kahit man lang sumilip.
Hinanap nila si Micheal dahil sa gusto nila itong maka-usap ngunit hindi nila ito mahanap, Nuong una ay sabi nasa Bacoor, Cavite daw at yung pinuntahan nila Charita ay ang sabi nasa Cebu naman daw.
“Isang taon ng patay ang kapatid ko pero hanggang ngayon ay wala pa rin itong linaw. Ginagawa namin ang lahat dahil gusto namin na panagutan ng may sala ang ginawa nila sa kapatid ko. Hindi kami titigil hanggang magkaroon ng katarungan ang pagkasayang ng buhay ng kapatid ko,” pahayag ni Charita.
Binigyan namin sila ng referral kay Director Nestor Mantaring ng National Bureau of Investigation (NBI) upang magkaroon ng mas malalim na imbestigasyon sa pagkamatay ni Rolando. Tututukan namin at ibabalita sa inyo ang mga kaganapan ukol sa kasong ito.
Para sa anumang impormasyong kaugnay sa kasong pagpatay kay Rolando Macabenta, makipag-ugnayan lamang kayo sa aming tanggapan AT IKAW Micheal Limbo ang patuloy mong pagtatago at pag-iwas upang magbigay linaw sa nangyari kay Rolando ay nagbibigay kulay na may kinalaman ka sa kanyang pagkamatay. (KINALAP NI JONA FONG)
Sa mga gustong dumulog sa aming tanggapan ang aming mga numero, 09213263166 o sa 09198972854 at ang aming landline ay 6387285. Maari din kayo magpunta sa 5th floor CityState Center Bldg., Shaw Blvd., Pasig City.
Email: [email protected]
- Latest
- Trending