Four down, one to go
NAKAGUHIT na ang kapalaran ng De Venecia Impeachment complaint bago pa man ito naisampa sa House. Sa tutoo lang, may umasa bang masisilayan nito ang labas ng Committee on Justice? Bonus nga na pinaabot pa ito sa Committee -– kung tutuusin, dahil hawak ng mga Partido ng TUTA ni Arroyo ang mayorya, kung ginusto lang nila’y sa pagsampa pa lamang — hinarang na.
Hinintay na lang ng bayan kung paano papatayin ang 2008 Complaint. Kung gugunitain ang 2005, 2006 at 2007 complaints, lahat minasaker bago pa man makalabas ng Committee. Itong 2008, muling tiningnan ng Committee kung “sufficient in substance” ang reklamo para ibato sa plenaryo. Kung baga sa kasong kriminal, hahatulan ng piskal kung may “probable cause” para tumuloy sa huku man. Tulad ng inaasahan, hindi ito lumusot sa Committee.
Nadesisyunan na raw ang mga isyung ito sa mga nakaraang impeachment complaint. At kung meron man bago, hindi naman sapat ang mga paratang upang talakayin ng Committee –- wala raw batayan ang mga akusasyon.
Saang law school nanggaling ang argumento na hindi na maaring pag-usapan ang isang isyu kung kabilang na ito sa reklamong binasura nung nakaraang taon? Paano ito tatawaging sarado na o res judicata kung sa pagbasura nito ay hindi naman pinag-usapan ang merito at dinaan lamang sa mas nakararaming bilang? At paano magiging kulang sa batayan ang akusasyon kung hindi naman pakikinggan ang ebidensya?
Ano ang kinakatakot nila sa wala raw katapusang litigasyon? Hindi ba dapat katakutan ay ang walang katapusang pagdududa? Tanging sa pagharap at pagsagot sa paratang makakamit ang minimithing payapa –- para kay Gng. Arroyo at para sa bansa. No, Mikey. She has not answered enough. In fact, she has not answered at all.
Kudos sa mga opposition congressmen na patuloy na lumalaban sa kabila ng katakot-takot na pressure mula sa Malacañang, sa DBM at sa kanilang mga kasamahan. Sila lang ang panalo sa isa na namang mabantot na yugto ng ating kasaysayan. Kung hindi dahil sa kanilang kabayanihan, tuluyan na sanang naglaho ang tiwala at pag-asa ng bayan sa ating mga nanunungkulan.
PRO-IMPEACHMENT CONGRESSMEN GRADE: HERO
ANTI-IMPEACHMENT CONGRESSMEN GRADE: ZERO
- Latest
- Trending