KUNG gusto talaga ni Makati City Mayor Jojo Binay na manalo sa pagka-presidente sa darating na 2010 elections, ang una niyang gawin ay walisin sa siyudad niya ang pasugalan ng gambling lord na si Toto Lacson. Sa tingin kasi ng marami, kapag hindi kumilos si Binay sa lotteng, ball-alai, PBA ending at Suertres ni Lacson, eh di tulad din siya ng iba pang pulitiko na bolero. Kapag nanalo si Binay, ibig bang sabihin n’yan, hindi rin niya itataas ang kamay na bakal niya sa naglilipanang jueteng sa bansa? Si Binay ay inihalintulad ang sarili kay US Pres-elect Barack Obama dahil sa kulay niya. Pero hindi ‘ata naintindihan ni Binay na sa bansa natin eh kokonti lang ang kakulay niya dahil kumukupas na ang bilang ng minority groups at Ita. Kaya kapag hindi maikumpas ni Binay ang kamay na bakal sa gambling lord na si Lacson, ‘wag na natin siyang iboto sa 2010 elections. Tagilid ang tsansa ni Binay kapag nagpatuloy ang lotteng, Suertres, ball-alai at PBA ending ni Lacson sa Makati City.
Hindi pa mabatid ng mga kausap ko sa Makati City kung seryoso si Binay na tumakbo sa pagka-presidente kahit marami pa ang nagbigay ng suporta sa ambition niya lalo na ang mga kaalyado niya sa pulitika. Inihambing kasi ng mga kausap ko si Binay kay MMDA chairman Bayani Fernando na kahit abo’t langit ang pagsisigaw na tatakbo siya sa 2010 elections eh hindi naman umaangat sa mga survey. Kaya’t marami ang nagsasabi na ang pagsigaw ni Fernando eh para lang maiangat ang awareness ng mga botante para iboto siya sa darating na halalan. Ang suspetsa ng mga kausap ko, hindi presidente ang tatakbuhan ni Fernando kundi senador. At ang sistema ni Fernando ang sinakyan ni Binay para pag-usapan din ang sarili n’ya. Kung sabagay matagal pa ang elections at marami pang kababalaghan ang mangyayari. Kanya-kanyang diskarte lang ‘yan, he-he-he!
Para sa kaalaman ni Binay ang palaging bukam bibig ni Lacson para hindi magalaw ng pulisya ang mga puwesto niya ay ang pangalan ng consultant niya para sa police matters na si Boy Reyes. Si Reyes ang nasa likod ng mga hirit sa gambling lords sa Makati City lalo na ang pulis na si alyas Ferdie. Sa pagbanggit ng pangalan nina Reyes at Ferdie, tiyak takot na takot sa ngayon ang gambling lords sa Makati City dahil baka pagdiskitahan sila. Siyempre, hindi kasali si Lacson sa drama nina Reyes at Ferdie.
Dahil sa hindi pagkilos ng pulisya sa illegal na negosyo ni Lacson, naniniwala ako na talagang “un-touchable” siya. O baka abala lang ang mga pulis sa pagsubaybay sa kaso ng euro generals? Abangan!