EDITORYAL - LTFRB, mabagal umaksiyon sa pagrolbak ng pamasahe
MABABA na nga ang presyo ng diesel at gasolina —P37 ang diesel at ang gasolina ay P39. Ang presyo ng crude oil sa world market ay sumisid na $50 bawat bariles at maaaring bumaba pa raw bago matapos ang 2008. Ang ganda na nga sana pero pangit pa rin para sa mamamayang namamasahe sa bus at dyipni. Paano’y hanggang ngayon 50 sentimos pa lamang ang naibabawas sa pamasahe sa dyipni. Umaangal na ang mamamayan sapagkat hindi na akma ang sunud-sunod na pagbaba ng petroleum products sa kakapiranggot pa lamang na binabawas sa pamasahe. Kung gaano kabilis magbaba ngayon ng presyo ang mga oil companies, mabagal namang magpatupad ng rolbak ang mga operator ng pampasaherong sasakyan. Ibig yata ay sila lamang ang kumita at ayaw nang mabawasan ang pasanin ng mamamayang bumubuhay naman sa kanila.
Ang ganitong problema na mabagal magrolbak ng pamasahe ay maisisisi sa mabagal na pagkilos ng Land Transportation, Franchising and Regulatory Board (LTFRB). Sila ang dapat magtrabaho sa agarang pagrolbak ng pamasahe. Hindi na sana nila pinatatagal pa ang paghihirap ng mamamayang matagal nang sagad sa hirap ang buhay. Ang 50 sentimos na ibinawas sa pamasahe kamakailan ay hindi sapat para mabawasan ang kanilang pasanin sa buhay. Matagal nang nagrolbak ang petroleum products ng kanilang presyo at dapat ay kasunod din namang nagrorolbak ng pamasahe. Kung may chain reaction ang pagtaas ng presyo dapat may chain reaction din ang pagbaba. Di ba ganito naman dapat ang kalakaran sa lahat. Kawawa naman ang mga namamasahe kapag hindi pa nagpatupad ng rolbak.
Malambot ang LTFRB at tila kayang sindakin ng mga operators ng jeepney at bus. Sunud-sunuran ba na kung ano ang sabihin ay iyon ang mangyayari. Ibig ng mga operators na umabot muna sa P35-37 ang diesel bago ibaba ang pamasahe. Gusto nila isang malaking bagsakan bago sila kumilos sa pagrolbak ng pamasahe.
Hindi naman yata tama ang ganito na kailangang ibaba muna nang malaki saka lamang magbabawas ng pamasahe. Sobra na ito!
Sabi ni LTFRB chairman Thompson Lantion, sa Disyembre 3 pa dedesisyunan kung magkakaroon ng panibagong rolbak.
Mabagal nga ang LTFRB.
- Latest
- Trending