TANONG ng barbero kong si Mang Gustin: “Gusto pa kaya talaga ni Gloria na mamuno sa bansa nang lam-pas sa 2010?”
Mahirap hulaan ang nasa isip ng Pangulo. Pero ang kalagayan niya ngayon ay parang nakasakay sa likod ng isang mabagsik na leon na sa sandaling bumaba siya ay puwede siyang lapangin. Ganyan ang nangyari kay Marcos kaya naging diktador sa mahabang panahon at dahil na rin sa pagbagsak ng kalusugan niya ay gumuho ang itinayong emperyo.
Maugong na maugong na naman ang isyung ito na pinatindi ng mga nagputukang issue. Una ay ang kontrobersyal na dasal ni Press Sec. Jess Dureza na nagpapahiwatig sa pagpapatuloy ng termino ng Pangulo nang lampas sa 2010. Daming napataas ang kilay. Nagpapatawa hindi naman kalbo. Sa paningin ng iba, ito’y “palipad-hangin” ng Malacañang para tingnan ang reaksyon ng taumbayan. True enough, negatibo ang reaksyon ng marami.
Kinabukasan napabalitang 15 boto na lang ang kailangan ng mga Kongresista at aariba na ang cha-cha (Charter Change) sa Kamara de Representante para gawing federal system ang kasalukuyang presidential form of government.
Nagalit (kuno) si Presidente Arroyo sa may kapilyuhang panalangin ni Dureza na malinaw ang insinuation na posibleng manatiling pinuno ng bansa ang Pangulo matapos ang 2010. Totoong bawal sa sino mang Presidente ang kumandidatong muli matapos ang 6-taong termino ayon sa Konstitusyon. Pero paano kung babaguhin ang Konstitusyon? That is the only possible op-tion kung totoong atat pa si Gloria na manatiling leader ng bansa.
Sabi naman ni COMELEC Chairman Jose Melo, kulang na sa panahon para baguhin ang Konstitusyon mula ngayon hanggang 2010. Aba’y mahigit na lang sa isang taon at sa gitna ng mara ming pagtutol ng iba’t ibang sector, malabong mabago ang Saligangbatas sa loob ng panahong iyan.
Para ko nang nakikinita ang pagsikip ng trapiko dahil sa mga gagawing street protests ng mga mamamayang gus-to nang mapalitan si Gloria.
Ewan ko kung ano’ng magic ang gagawin pero ano pa man ito, hindi iyan papasa sa taumbayan na pihong mag-aaklas dahil sawang-sawa na sa mga nangyayaring kabulastugan at katiwalian sa ating gobyerno.