Nahimasmasan
SUMULYAP si Jack sa speedometer bago bagalan ang kotse: 75 kph kung saan 60 lang dapat. Na naman? Bakit ba napakalimit niyang mahuli?
Itinabi ni Jack ang kotse, pero bahagya lang. Problema na ng pulis ang magiging trapik. Papalapit nga ang pulis, bitbit ang makapal na pad.
Bob? Si Bob na kasama niya sa simbahan? Napalubog lalo si Jack sa upuan. Mas malala ito kaysa traffic ticket. Pulis nanghuli ng ka-simbahan. Kaibigan na excited lang makauwi mula sa mahabang araw sa trabaho.
Dali-dali bumaba sa kotse si Jack. Nilapitan ang lalaki na nakikita niya tuwing Linggo, pero ngayon lang niya nakitang naka-uniporme. “Kumusta, Bob. He-he-he, ganito pa tayo magkikita.”
“Ikaw pala, Jack.” Walang ngiti.
“Bob, he-he, nag-text lang kasi kanina si misis. Kare-kare raw ang hapunan. Alam ko maiintindihan mo, Ngayon lang ako walang overtime.”
“Naiintindihan ko,” sagot ni Bob. Pormal ang boses. “Okey ‘yan. Pero pinag-uusapan ka na sa presinto. Maupo ka lang kaya sa kotse mo.”
Aray. Hindi maganda ang takbo ng usapan. Dapat ibaling. Nagtaas nang konti si Jack: “Bob, binagalan ko agad nang makita kita.”
“Balik ka na lang sa kotse mo, Jack.” Marahan pero pormal pa rin.
Sumakay nga muli si Jack. Naisip niya, matagal-tagal din niyang hindi tatabihan o kakausapin ang mokong na ito sa simbahan.
Lumipas ang mga minuto habang nagsusulat si Bob. Kumukulo na si Jack. Maya-maya, kumatok sa bintana si Officer Bob. Konting bukas lang ang ginawa ni Jack, para mahirapan si Bob isuot ang papel.
Inis itong kinuha ni Jack at niladlad. Aba, ano ito, hindi ito tiket.
“Dear Jack,” anang liham. “Minsan meron akong anak: babae. Anim na taon siya nang mabundol ng kotse’t mamatay. Over-speeding. Multa, tatlong buwang kulong, tapos laya na ang driver, nakabalik sa kanyang naghihintay na asawa’t mga anak. Ako, isa lang. At maghi hintay pa ako makarating sa Langit bago ko mayakap muli ang tsikiting ko. Libong beses kong sinikap patawarin ang driver; libong beses sa palagay ko nagawa ko nga. Mag-ingat ka sa pagmamaneho, Jack. Hinihintay ka ng pamilya mo.”
Nahimasmasan si Jack. Namumugto ang mata, binagalan papauwi.
- Latest
- Trending