EDITORIAL - Polluted na hangin at kontaminadong tubig
ABALA ang mga mambabatas ngayon sa imbestigasyong may kinalaman sa corruption — fertilizer fund scam at “euro generals”. Walang nakaaalam kung hanggang saan aabot ito. Ang iba pang mga sangay ng gobyerno kagaya ng Department of Transportation, Land Transportation Of- fice at LandTransport Franchising and Regulato-ry Board ay abala naman sa mga kaskaserong bus dahil sa mga madudugong aksidente.
At tila wala nang nakakapansin sa maruming hangin at tubig na ngayon ay banta sa kalusugan ng mamamayan. Nakatutok ang DOTC, LTFRB at LTO at maging ang MMDA sa mga kaskaserong bus pero hindi nila binibigyang pansin ang maitim at may lasong usok na ibinubuga ng mga pampaherong bus.
Grabe na ang air pollution sa Metro Manila at ang mga kakarag-karag na sasakyan ang pangunahing dahilan ng problemang ito. Nawalan ng silbi ang Clean Air Act of 1999 dahil hindi na naipatutupad ang batas. Sa ilalim ng Clean Air Act bawal nang ibiyahe ang mga lumang sasakyan, bawal ang paggamit ng incinerators, bawal ang pagsusunog ng mga basura, goma at iba pang bagay na nakasisira sa ozone layer. Ang tanging naipatupad sa ilalim ng batas ay ang paggamit ng unleaded gasoline.
Nasayang lamang ang pagsisikap ng mga taong nagsulong sa Clean Air Act sapagkat hanggang ngayon ang kanilang pinagpagurang batas ay hindi naipatutupad. Marumi ang hangin particular sa Metro Manila at unti-unting pinapatay ang mga residente. Sa ginawang pag-aaral ng University of the Philippines, maaari raw dumating ang panahon na hindi na matirahan ang Metro Manila dahil sa sobrang dumi ng hangin. Ilang taon na ang nakararaan, maraming estudyante ng isang eskuwelahan malapit sa EDSA ang nagsuka at nakadama ng pagkahilo. Ang dahilan: Grabeng pollution.
Hindi lamang ang hangin ang marumi kundi pati na rin ang tubig. Kamakalawa, 109 na residente ng Real, Quezon ang nagkatipus. Marumi ang tubig na kanilang ininom na galing umano sa bukal. Umano’y nakontamina ang tubig mula sa dumi at ihi ng tao. Ang bacteria na nagdadala ng tipus ay Salmonella typhi.
Cholera naman ang nanalasa sa siyam na barangay sa Misamis Oriental na ang pinagmulan ay maruming tubig at pagkain.
Marumi ang hangin at tubig. Ano ang hakbang ng pamahalaan para malutas ang mga problemang ito? O hindi na nila maasikaso dahil abala sila sa sari-saring isyu na may kinalaman sa corruption.
- Latest
- Trending