HINDI pa rin nawawala ang taguri sa Pilipinas na isa sa pinakadelikadong bansa para sa mga mamamahayag. Una ay ang Iraq na wala ring awa kung paslangin ang mga mamamahayag. Pero mas matindi ang nangyayaring pagpatay sa mga miyembro ng media sa bansang ito sapagkat kahit na kaharap ang anak, tuloy pa rin ang pag-utang sa buhay. Walang makapipigil sa mga salarin sa pag-ubos sa mga mamamahayag.
Nadagdag sa listahan ng mga pinatay na miyembro ng media na si Ariceo Padrigao, radio commentator ng dxRS Radyo Natin sa Gingoog City, Misamis Oriental. Pinatay si Padrigao ng dalawang lalaking nakamotorsiklo ilang saglit makaraang maibaba nito ang anak na babae sa Bukidnon State University noong Lunes ng umaga. Dalawang tama ng bala sa panga ang tinamo ni Padrigao.
Nasaksihan ng anak ang pagbunot ng baril ng mga suspect at walang awang pagbaril sa ama. Bumagsak ang ama. Duguan. Agad na namatay sa pinangyarihan ng krimen. Hindi agad nakapagsalita ang anak dahil sa pagkabigla. Isang napakasamang pangyayari ang kanyang nasaksihan na maaaring taglayin niya habambuhay kung hindi siya isasailalim sa pangangalaga ng psychiatrist. Ayon sa ina ng bata, nagkaroon ng trauma ang kanyang anak dahil sa madugong pangyayari.
Ang pagpatay kay Padrigao ay walang ipinag- kaiba sa pagpatay sa mamamahayag ding si Espe-rat na pinagbabaril isang Biyernes sa loob ng kanyang bahay at sa harap ng kanyang mga anak. Corruption umano sa Department of Agriculture ang dahilan kaya ipinapatay si Esperat.
Hanggang ngayon, blanko pa rin ang pulisya sa pagpatay kay Padrigao. Malamang na madagdag ang pagpatay sa mga hindi nalutas na kaso na lumobo noong 2006 kung saan 12 media man ang walang awang pinatay at hanggang ngayon, walang nalulutas. Parang mga manok na binaril ang mga mamamahayag noong 2006 at bahagyang kumunti naman noong 2007 makaraang batikusin ng United Nations. Pinuna ng UN ang kawalang interes ng gobyernong Arroyo na malutas ang mga pagpatay na ayon sa mga representative ng UN ay military ang may kagagawan.
Lutasin ang pagpatay kay Padrigao. Hulihin ang mga walang kaluluwang tumapos sa kanyang buhay. Ipakita ng gobyerno na hindi nila kinalilimutan ang mga kaso ng pinatay na media man.