Bulok na plaka o bulok na estilo?

HINDI balita para sa BITAG ang ipinag-utos ni Land Trans­portation Office (LTO) chief Alberto Suansing na ku­kumpiskahin daw nila ang mga marurumi at bulok na plaka ng mga sasakyan.

Natatawa na lamang ang BITAG tila yata wala nang magawang ibang batas ang LTO kung kaya’t ang marurumi at bulok na plaka na lamang ang kanilang pinapatulan.

Yung mga sasakyan na may maiitim at makakapal ang usok ng sasakyan ay hindi nila nakikita, iyon pa kayang mga plakang nagdudumihan na matatakpan ng mga usok pag bumuga ang tambutso ng sasakyan? Unahin muna nila yung mga pampubli­kong sasakyan na garapalang lumalabag sa batas trapiko na nagiging sanhi ng aksidente sa kalsada.

Madali namang solusyunan ang problemang ito, kung bulok palitan ng bago. E paano kung nakadisgrasya sa kalsada, sigurado bang hindi na uulit na makadisgrasya ang mga nagma­maneho ng sasakyan? Base sa artikulong nakalap ng research team ng BITAG Live, ang aksiyon na ito ay ginawa ni LTO chief Suansing dahil sa mga reklamo daw na natatanggap ng kanilang ahensiya. Karamihan daw sa mga sasakyang nasasangkot sa mga krimen ay marumi at bulok na plaka ang ginagamit at ang mga ito ay pawang peke pa.

LTO Chief Suansing, baka nakakalimutan mo ang mga tinted plate kung saan naka-concealed at natatakpan ang mga plaka ng mga sasakyan. Hindi ba’t eto ang mas madalas na gamitin ng mga sindikato ng hold-up robbery at iba pang malalaking sindi­ato. Eto ang unahin mong paghuhulihin dahil mas talamak ang mga ito sa panahon ngayon.

Patuloy na dumadami ang gumagamit nito lalo na sa masa­samang aktibidades dahil hindi nga sila mahabol ng kinauukulan dahil hindi lantad at hindi mababasa ang kanilang plaka. Wala namang masamang tinapay ang BITAG sa LTO bagkus nakaka­sama pa nga namin ang ahensiyang ito sa ilan naming operasyon.

Subalit diretso kaming magsalita, hindi kami nagpapatumpik-tumpik sa aming mga napupuna at nakikita naming mali o may kulang. Lalo na’t nakikita naming mawawalan din ng saysay ang isang panukala o aksiyon mabuti pang habang maaga, mag­ta­patan at magtulungan tayo. Batu-bato sa langit ang tamaan hulog sa BITAG! Ito ay paalala lamang.

Show comments