DISMAYADO ang kapulisan sa liderato ni PNP Director Gen. Jesus Verzosa habang ginigisa ang mga ito sa senado. Masakit umanong tanggapin na sa kabila ng kanilang pagsisikap na makatipid sa gastusin ang PNP, sa isang iglap maisasalang ang kanilang mga bossing sa malaking kontrobersiya.
Hindi biro ang P6.93-milyon na nakumpiska kina Dela Paz sa Moscow. Habang ginigiling ang kanilang bossing, nangangamba silang hindi na mabawi ang pera. Malaki ang epekto nito sa PNP dahil ang naturang halaga ay para sa Intelligence Fund.
Kahit akuin ni dating Comptroller Eliseo dela Paz ang mga pagkakamali, hindi ito basta-basta mababawi sa isang iglap. Paano napasakamay ni Dela Paz ang naturang halaga kung walang basbas si General Verzosa at DILG Sec. Ronaldo Puno. Si Puno ang unang dapat nakaaalam sa pondo dahil siya ang pinuno ng National Police Commission.
Kung mapaparusahan si Dela Paz, dapat isama rin sina Verzosa at Puno para ganap na malinis ang PNP, ayon sa mga nakausap ko sa Manila’s Finest. Noong pumutok ang balitang na-hold sa Moscow airport ang mga heneral at mga asawa sa pangunguna ni Dela Paz ay agad na nagpuputak si Puno na legal ang halagang dala ng mga ito para panggastos umano sa meeting. Ang pera umano na dala nina Dela Paz ay galing sa pondo ng PNP Intelligence Fund na laan para may pambayad sa hotel dahil may kamahalan ang mga bilihin sa naturang bansa kaya nagdala ng sandamukal na pera ang mga ito. Subalit kalaunan, lumabas na si Dela Paz lamang pala ang may gusto. Ano ba yan mga suki!
Ginigiling na ngayon ng Senado si Dela Paz. Hilong talilong naman sina Puno at Verzosa sa kalituhan. Habang di magkamayaw sa kasasagot ang mga matataas na opisyales ng PNP, nakasimangot naman ang kapulisan.
Dahil hindi pa naaayos ni Verzosa ang gusot sa media people, ito na naman at lalong lumaki ang isyu para batikusin kaliwa’t kanan ang PNP.
Labis daw ang pagkadismaya ng kapulisan sa liderato ni Verzosa matapos ipagbawal ang pagpresenta sa mga suspek sa media. Marami umanong biktima ng krimen ang umalma sa kautusan subalit iginiit ni Verzosa na sinusunod lamang niya ang kautusan ng Commission on Human Rights (CHR)
Lalo pang naging mainit si Verzosa nang ipagbawal niya sa reporters ang pagbuklat ng police blotters. Weather-weather talaga ang buhay. Dahil natapat sa bad weather si Verzosa, puro sablay ang kinahinatnan ng PNP. Di ba mga suki? Abangan!