Katiwalian grabe sa kanayunan
MALIMIT banggitin sa balita na karamihan sa mga meyor ng iba’t-ibang bayan sa lalawigan ng Abra ay sa capital ng Bangued nakatira. Dalawa ang ibig sabihin nito. Una, malaki ang kinikita nila — ewan kung legal — kaya nakakabili ng lupa’t bahay sa mas mahal na pook. At, natatakot sila tumira sa sariling bayan dahil sa gulo, kaya napapabayaan din nila ang kapakanan ng mga mamamayan.
‘Yan ang kadalasang sisti sa kanayunan. Simple kung kumurakot ang mga lokal na opisyales. Konting komisyon sa paggawa ng kalsada, sa pagpirma ng business permit, o sa pagbili ng kagamitan. Hindi nahahalata ng mamamayan. Pero kamala-mala mo, nangangalahati pa lang sa termino ay meron nang bagong resort o mamahaling SUV.
Sa isang bayan nga sa Zamboanga Sibugay, nagkutsabahan na ang meyor at bise sa kurakutan. Nakapagpatayo na si meyor ng mansiyong pang-retiro sa capital ng Ipil, habang namimili si bise ng ekta-ektaryang lupa para taniman ng rubber trees.
Ganyan din ang meyor ng isang liblib na bayan sa Pampanga na nakabili ng maraming truck na panghakot mula kickbacks sa pagpapatayo ng bagong munisipyo. Katulad ang meyor sa kabundukan ng Cordilleras na nagpapakasasa sa illegal quarrying. At sa mayor sa Isabela na protektor ng illegal logging.
Isa sa pinaka-madaling pagkitaan ng lokal na opisyales ang bisyo. Awatin lang niya ang pulis sa pagtugis sa jueteng, prostitusyon o droga, kikita na siya ng limpak-limpak na protection money mula sa sindikato. Bukod sa nabanggit nang tong-pats sa kontrata o pagpirma, pumapasok din sila sa legal na negosyo sa pamamagitan ng espesyal na kaalaman o kaya pagsiko sa mga kakompetensiya. Ehemplo ang mga palayan na dinaanan ng bagong Clark-Subic Highway, na pinagbibili ng mga meyor mula sa mga magsasaka at saka tumalikod at ibinenta sa gobyerno nang doble o triple.
Ehemplo rin ang pagkontrol ng meyor sa kontrata ng mga kargador sa pier o sa paghakot ng basura.
- Latest
- Trending