Bonggang Malacañang in the South sa gitna ng lubak-lubak na daan
HINDI maintindihan ng mga humigit kumulang kalahating milyong bumibiyahe araw-araw kung bakit lubak-lubak pa rin ang bahagi ng national highway simula sa may bandang Barangay Bunawan hanggang Barangay Lasang dito sa Davao City.
Ilang taon na ring lubak-lubak ang nasabing 500-meter stretch ng national highway na naging kritikal para sa mga bumibiyahe lalo na tuwing umuulan. May ilan nang nadisgrasya sa nasabing bahagi ng highway na kung isipin ay maikli lang at hindi nga umabot ng isang kilometro.
Kaya nga naitanong ito dahil kung tutuusin may regular budget ang Department of Public Works and Highways (DPWH) para sa maintenance ng mga kalsada lalo na sa national highway.
Bakit hindi man lang naiayos ang nasabing bahagi ng national highway dito kung may budget nga ang DPWH para sa road maintenance?
Dagdag na rin natin sa pondo nila ang road users tax na kung saan recipient din ang DPWH. Magagamit ng DPWH ang perang ito para sa pagkumpuni ng nasabing daan dito sa Davao City.
Siguradong dumadaan din sa nasabing highway ang mga local DPWH officials dito ngunit walang ni isa sa kanila ang nag-isip na hindi na pupwedeng pabayaan na lang ang bahagi ng national highway na ito na lalawak pa ang sira nito.
At ito ang masaklap kasi wala ngang ginagawa ang DPWH sa road maintenance dito ngunit bong gang-bongga naman ang tinaguriang Malacañang in the South na tinayo kamakailan lang sa loob mismo ng DPWH depot sa kalapit na Barangay Panacan.
Balita nga mahigit P30 million ang ginasta para sa pagpaayos ng nasabing Malacañang by the Sea rito kasi nga mamahalin ang mga kagamitan, lalo na ang bathtub na nagkahalaga ng P1 million at ang isang chandelier naman ay P500,000 daw ang presyo.
Talagang impressive ang nasabing istruktura na ginagamit na nga ni Pangulong Arroyo tuwing dumadalaw siya rito sa Davao City. Maganda raw ang view mula sa verandah ng tinutukoy na presidential suite ng Malacañang in the South dahil tanaw na tanaw daw ang dagat ng Davao Gulf at ang Samal Island.
At sa tabi nga ng palasyo na ito ay isa pang building na ginagamit ng mga miyembro ng Presidential Security Group na silang namamahala sa security sa nasabing bahagi ng DPWH depot.
Kung ganoon nga na may panggastos pala ang DPWH para sa pagpaayos at maintenance ng Malacañang by the Sea, eh, bakit hindi man lang nila bigyang halaga ang pagkumpuni ng bahagi ng national highway sa Barangay Bunawan hanggang Barangay Lasang na kung tutuusing may P1 million lang ang kinakailangan para sa nasabing proyekto.
Kaya, Secretary Hermogenes Ebdane, kung impressed at saludo si Pangulong Arroyo sa inyo dahil sa magarang Malacañang by the Sea ninyo, dismayado naman ang libu-libong mga mamamayan dito dahil sa lubak-lubak na daan gaya ng kaawa-awang bahagi ng national highway sa Barangay Bunawan hanggang Barangay Lasang dito sa Davao City.
Puwede namang pakinangin ang national highway na marami ang makinabang at huwag lang ang chandelier o ‘di kaya’y bathtub ng Malacañang in the South na iisang tao lang ang gagamit.
- Latest
- Trending