Langit at Impiyerno
NAKIPAGHUNTAHAN sa Diyos ang isang banal na pari. “Panginoon,” anang taga-lupa, “Nais ko po sana makita kung ano ang hitsura ng Langit at ng Impiyerno.”
Sinamahan ng Panginoon ang pari sa dalawang pintuan. Binuksan Niya ang isa, at dumungaw sa loob ang pari. Sa gitna ay may malaking bilog na mesa. At sa gitna ng mesa ay may malaking palayok ng nilagang karne. Nakakagutom ang amoy ng niluluto, at naglaway pa nga ang pari.
Ang mga nakaupo sa paligid ng mesa ay mapapayat at mukhang sakitin. Tila gutom na gutom. Nakasimangot sila, walang nagkikibuan. Bawat isa ay may tangang kutsara na napaka-haba ng hawakan na nakatali sa kamay.
Kayang-kaya ng bawat isa na umabot sa palayok sa gitna nang malaking mesa para kumuha ng pagkain. Pero dahil sa ang hawakan ng kutsara ay mas mahaba pa kaysa kanilang mga braso, hindi nila magawang maisubo ang nasandok na pagkain.
Kinilabutan ang banal na pari sa napanood na mapait na kalagayan. Anang Panginoon, “Hayan, nakita mo na ang Impiyerno.”
Binuksan ng Panginoon ang kabilang pintuan. Kapareho ang eksena sa loob. Nakapalibot ang mga tao sa malaking bilog na mesa na may higanteng palayok sa gitna kung saan naglalaga ng pagkain. Naglaway muli ang pari sa bango ng niluluto.
May tig-isang mahahabang kutsara ang mga kumakain. Ang kaibahan: Malulusog sila, nag-uusap at nagtatawanan.
“Panginoon, hindi ko po maintindihan....” nagtataka ang pari.
“Simple lang,” anang Panginoon. “Isang gawain lang ang dapat sanayin. Dito sa Langit, marunong silang pakainin ang isa’t isa. Sa Impiyerno, sobrang damot nila at sarili lang ang iniisip.”
Maraming naghihirap sa Pilipinas. Ang iilang nakakaangat ay hindi tumutulong para maiangat ang mayorya.
Imbis na gamitin para sa bansa ang natutunan, nagpapayaman lang para sa sarili.
* * *
Lumiham sa jariusbondoc @workmail.com
- Latest
- Trending