PAPASOK na naman ang Disyembre, ang panahon kung saan nagdadagsaan ang iba’t ibang modus saan mang parte ng Pilipinas.
Isa na rito ang modus ng “Ipit Gang”.
Grupo ito ng mga kolokoy na umaabot hanggang walo o higit pa na naghihintay lamang ng pagkakataong makapambiktima ng mga kawawang pasahero, partikular ng pampasaherong jeepney o bus.
Ang siste, magkukunwaring pasahero ang mga kawatan para makasakay sa loob ng bus o jeepney.
Hiwa-hiwalay silang sasakay para hindi mahalatang katarantaduhan pala ang kanilang pakay.
Wais at marunong mamili ng bibiktimahing sasakyan ang Ipit Gang dahil ang kanilang pinipili, yung mga bus o jeepney na halos mapuno na sa dami ng pasahero.
Oo nga naman, mas maraming pasahero, mas marami silang maiipit para biktimahin!
Sa loob ng pampasaherong sasakyan, kanya-kanyang puwesto na ang mga kolokoy para ipitin at dukutan ang mga walang malay na pasahero.
Mapanlinlang kung susuriin, dahil ginagamit ng Ipit Gang ang pagkakataong siksikan ang mga pasahero para isipin ng mga ito na kaya naman sila nagkakagitgitan ay dahil puno ang loob ng sasakyan.
Ang hindi alam ng mga pasahero unti-unti nang nililimas ng mga kawatang ito ang kanilang mga dala.
Kalat sa kamaynilaan ang modus na ito kaya binabalaan ng BITAG si Juan dela Cruz…mag-ingat, mag-ingat, mag-ingat!
Maging alerto at mapanuri sa lahat ng pagkakataon dahil ang mga grupong tulad ng Ipit Gang ay nakama-sid lamang at naghihintay sumunggab kapag may pag-kakataon.
Para sa grupo ng Ipit Gang, alam namin kung saan kayo matatagpuan. Hindi kami titigil sa pagtugis sa inyo hangga’t hindi kayo tumitigil sa paggawa ng kalokohan.
Tinututukan kayo ng BITAG!