Sa Paskong darating.

ANG araw daw ng Pasko ay para sa mga bata, ito ang paniniwala ng pamilyang Pinoy sa ating bansa.

Kaya naman kapansin-pansin na tuwing sasapit ang araw ng Pasko, mga bata ang unang pinasasaya ng kanilang mga magulang at iba pang miyembro ng pamilya.

Mga bata lamang ang ipinapasyal, binibilhan ng mga bago at magagarang damit, binibigyan ng aginaldo o pamasko katulad ng pera, laruan at pagkain.

Dito, nagkakaroon ng oportunidad ang mga malikhain at mapagsamantalang mga negosyante.

Dahil magpapasko, nauuso na naman sa merkado ang mga expired at rejected na mga pagkaing pambata.

Sa paglilibot ng BITAG sa pangunahing pamilihan sa Metro Manila, nasilip ng BITAG Roving Team ang mga expired at rejected na pagkaing pambata na itini­tinda pa rin.

May ilang tipster na lumapit sa BITAG na ang sekreto para maibenta ulit ang mga ito sa pamilihan ay pagrere-pake at pagbubura sa mga expiration dates ng produk-tong pagkain.

Ang siste, dahil mura at maramihan mo itong mabibili, hindi na mapapansin ng suki na expired at rejected ang kanyang nabiling pagkain pambigay sa kanyang batang anak o kamag-anak.

Expired dahil lumampas na sa takdang petsa ng pagkasira at rejected dahil pampakain na lamang ito sa mga hayop, subalit ibinebenta pa para sa tao.

Ang masahol dito ang target na biktima ay mga bata. Mga inosenteng bata na walang ibang hangad kundi makakain ng masarap na kendi at tsokolate.

Pinapaalalahanan lamang ng BITAG ang mga magu­lang, kasambahay, kamag-anak at kapitbahay na maging maingat sa pagbili ng pagkain para sa ating mga anak, inaanak pamangkin o apo.

Huwag papa-BITAG sa murang halaga ng produkto at sa magan­dang presentasyon ng package nito.

Suriing maigi upang hindi magsisi sa huli.

Sa mga mapagsa­mantalang negosyante sa ganitong business, naihanda na ng BITAG ang patibong para sa inyo.

ABANGAN!

Show comments