Lahat may balak manatili sa poder
NAG-MARTIAL law si Marcos nu’ng 1972, isang taon bago matapos ang termino, kasi alam niya ang sasapitin sa pagbaba. Isasakdal siya sa laksang kasong katiwalian at pang-aabuso sa walong taon sa puwesto. Ipinakulong niya sa militar ang mga kalaban sa pulitika at kritiko sa media. Ipinasupil ang mga kumokontra at ipinasara ang Kongreso. At ipinapasa sa takot na Constitutional Convention ang habambuhay niyang pagka-Pangulo.
Nais din daw manatili sa puwesto ni Gloria Arroyo. Kasi pagbaba sa puwesto, tiyak na sapin-saping plunder case ang kukuba sa kanya dahil sa Northrail, Southrail, ZTE, fertilizer at swine scams. Bukod pa ang war crimes dahil sa pagkidnap at pagpatay sa daan-daang militante.
Dalawang paraan daw ang gagamitin ni Arroyo para sa plano — parehong halaw kay Marcos.
Una, Charter change. Tatlong pagbabago sa Saligang Batas ang isinusulong sa Kamara. Sa totoo lang, hindi seryoso ang mga katoto ni Arroyo sa federalism, parliamentary o economic reform. Interesado lang sila sa pamamaraan ng Cha-cha. Constituent assembly ang balak. Sa isang fast break, mahigit three-fourths ng Kamara ang boboto kasama ang iilang menoryang senador, yuyurakan ang probisyon sa Konstitusyon, at ibabato ang isyu sa Korte Suprema. Dahil 13 sa 15 justices ay appointees ni Arroyo, at siyam ang subok na tuta, mananalo sila — sa tantiya nila.
Ikalawa, martial law. Kung hindi umubra ang Cha-cha, magba-batas militar na rin si Arroyo, anang mga nag-aanalisa. Sa Konstitusyon, kailangang repasuhin ng Kongreso ang martial law sa loob ng 60 araw, at putulin o patagalin ito sa pamamagitan ng pinagsamang mayoryang boto ng Senado’t Kamara. Muli, malaking mayorya ng Kamara at menorya ng Senado ang boboto na palawigin ang martial law — kasabay ng mga termino nila na dapat matapos sa Hunyo 30, 2010. Kung may umangal, ibabato ang isyu sa Korte Suprema na hawak ng Malacañang sa ilong.
Ano’t-ano man, mananatili sa puwesto hindi lang si Arroyo kundi pati mga katoto. Tuloy ang ligaya nila: Ibu-bulsa ang pera ng bayan.
- Latest
- Trending