Binigyan siya ng kapangyarihan
ANG kaso ay tungkol sa bahay at lupang pag-aari ng mag-asa-wang Vega. Isinangla nila ito sa UOB Bank. Nang hindi makabayad ay niremata ito ng UOB. Nang malipat sa pangalan ng UOB ang titulo, nagsampa ng kaso ang mag-asawa upang mapawalang-bisa ang nangyaring pagremata at pagbebenta ng lupa. Samantala, sa panig ng UOB, hiningi naman nito sa korte na magkaroon ng tinatawag na “writ of possession” upang tuluyang makuha pati na ang posesyon ng bahay at lupa. Ibinigay ng korte ang posesyon sa banko ngunit inapela pa rin ito ng mag-asawa.
Habang nakabinbin ang mga kaso, inanunsiyo ng UOB ang pagbebenta ng naturang ari-arian. Isa ang mag-asawang Pra- do sa mga interesado at nag-alok na bibili nito. Nakipag-ugnayan sila sa UOB sa pamamagitan ng vice president at corporate secretary nito na si Atty. Salva. Tinanggap naman ng UOB ang alok at isang kasunduan ang pinirmahan ng dala-wang panig noong Marso 18, 1993. Ang kasunduan ay nakasulat sa papel na nakapangalan sa UOB, nilagdaan ni Atty. Salva at sinasang-ayunan naman ng mag-asawang Prado. Ayon sa kasunduan, pumapayag ang mag-asawang Prado na magbigay ng paunang P750,000 bilang deposito at ang balanseng P6,750,000.00 ay idedeposito naman (escrow) sa loob ng 90 araw. Walang anumang indikasyon sa sulat o kahit sa hiwalay na papel na awtorisado ng UOB si Atty. Salva.
Bago matapos ang palugit na 90 araw, hiniling ng mag-asawang Prado ang pagbabayad ng balanse ay sa katapusan na lang ng nakabinbing kaso. Kaya noong Hulyo 14, 1993, guma wa ng panibagong kasunduan sina Atty. Salva at mag-asawang Prado kung saan pumapayag ang banko na bayaran ng mag-asawa ang natitirang balanse kapag natanggap na nito ang desisyon ng korte at tuluyang naibigay na sa mag-asawa ang lupa na walang okupante. Katulad ng unang kasunduan, nakasulat ito sa papel ng kompanya at pirmado ni Atty. Salva at sinasang-ayunan ng mag-asawang Prado. Katulad sa una, walang anumang indikasyon na awtorisado si Atty. Salva ng UOB upang pirmahan ang kontrata.
Noong 1994, nagkaroon ng bagong pamunuan ang UOB. Tinanggal sa kanyang trabaho si Atty. Salva at pinalitan siya ni Atty. Ibay. Habang pinag-aaralan ang mga dokumentong minana, nadiskubre ni Atty. Ibay ang balanseng hindi nababayaran ng mag-asawang Prado. Nakita rin niya ang sulat ng mag-asawa at ang hininging palugit sa pagbabayad. Isinumite niya ito sa Asset Recovery and Remedial Management Committee (ARRMC) upang paabrubahan. Hindi ito inaprubahan ng ARRMC.
Ipinaalam ni Atty. Ibay sa mag-asawa na dahil sa paglabag nila sa kasunduan, kukumpiskahin na ng UOB ang kanilang deposito. Ang lahat ng ito ay bunsod ng hindi pagpayag ng ARRMC sa hinihingi nilang palugit. Ipinakita ng mag-asawa ang kasunduang pirmado ni Atty. Salva noong Hulyo 14, 1993 bilang patunay na aprubado ang hiningi nilang palugit. Ayon kay Atty. Ibay at bilang sagot ng UOB, isang pagkakamali lang daw ang lahat. Hindi raw awtorisado si Atty. Salva na magbigay ng nasabing palugit. Tama ba ang banko?
MALI. Ang kapangyarihan ng isang opisyal o ahente ng kompanya upang makipagtransaksiyon bilang kinatawan nito ay maaaring aktuwal o maibabase sa kanyang kilos at gawa. Matagal na tayong bantad sa ganitong kalakaran lalo at mga bangko ang sangkot. Malinaw itong makikita sa 1) paraan kung paano hinahayaan ng isang kompanya ang pagkilos ng opisyal o ahente nito at 2) ang pagpayag ng kompanya sa lahat ng ginagawa ng naturang opisyal/ahente kahit pa nga ipina-alam o hindi sa kompanya.
Ang kapangyarihang ibinigay ng kompanya ay masasapantaha sa mga pagkakataong tulad nito kung saan walang anumang pagtutol sa panig ng board o sa mga nagmamay-ari nito. Hindi mapapasubalian na binigyan ng banko ng kapangyarihan si Atty. Salva na makipagkasundo sa mag-asawa kahit pa walang resolusyon ang board tungkol dito. Hindi ang dami ng magkaparehong kilos kundi ang pagbibigay sa opisyal/ahente ng kapangyarihan na kumilos para sa kompanya ang basehan.
Walang sapat na kaalaman ang ibang tao tungkol sa nagaga nap na mga miting ng kompanya. Umaasa lamang sila sa nakikitang kilos ng mga opisyales nito bilang indikasyon ng pagpayag ng kompanya. Ang integridad ng kompanya ay mananatili lamang kung aakuin nito ang responsibilidad para sa naging aksyon ng mga opisyales/ahente nito. Nararapat lamang na panghawakan ng publiko ang pagtitiwala ng banko sa mga tauhan/opisyales nito. Hindi maaaring sisihin ng UOB ang mag-asawang Prado dahil lamang sa hindi nila inalam kung hanggang saan ang kapangyarihang ibinigay ng banko kay Atty. Salva. (Associated Bank etc. vs. Spouses Pronstroller, G.R. 148444, July 14, 2008).
- Latest
- Trending